Pagtitiwala At Pagsunod Sa Diyos

Kung mayroon mang dalawang salita na maglalarawan o magbubuod sa kung ano ang buhay Cristiano, marahil ang dalawang salitang ito ay ang pagtitiwala at pagsunod sa Diyos. Laganap sa Biblia ang paghimok na tayong mga anak ng Diyos ay dapat na magtiwala at sumunod sa kanya. Ang utos ng Diyos na tayo’y sumunod at magtiwala sa kanya ay hindi para sa kanyang kapakanan o dahil ito ay kapritso lamang niya. Ang utos niyang ito sa atin ay para sa ating ikabubuti. Alam ng Diyos na ang kanyang mga nilalang ay mapapariwa kung sila ay hindi magtitiwala sa kanya. Para naman sa kanyan mga anak, alam ng Diyos na kung ang kanyang mga anak ay hindi magtitiwala at susunod sa kanya, hindi nila mararanasan ang eksaktong buhay na nais niya para sa kanila at ito yaong buhay na ganap sa kabila ng maraming kakulangan sa buhay dito sa lupa.

PAGTITIWALA SA DIYOS

Subalit ano nga ba ang pagtitiwala sa Diyos? Ito ba yung hindi ka na gagawa, magpaplano, mag-iisip kung ano ang dapat gawin at ang tanging kailangan lamang ay magtiwala na ang Diyos ang bahala sa iyo? Hindi ito ang tamang larawan ng pagtitiwala sa Diyos. Ito ay pagiging iresponsable. Mantakin ninyo, kung ganito ang pagtitiwala sa Diyos, lahat tayo ay may pagkukulang sa kanya sapagkat lahat tayo ay bumabangon mula sa higaan kapag naaalala natin na hindi natin naikandado ang mga pintuan ng ating bahay. Bakit nga ba kailangan pang bumangon kung may pagtitiwala ka naman sa Diyos na di ka niya pababayaan na pasukin ng magnanakaw? Ang sabi naman ng isa, “Sa Diyos may tiwala ako, pero sa magnanakaw wala!”

Kaya ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi yung hindi na tayo gagawa o hindi na magpaplano sa buhay. Ang sabi sa Kawikaan 3:5,6: “Buong puso kang magtiwala kay Yawe, at huwag manangan sa sariling ka­isipan. Alalahanin mo siya sa lahat ng iyong mga daan at itutuwid niya ang iyong mga landas.” (Ang Biblia ng Sambayanang Pilipino o ABSP). Ang pagtitiwala sa Diyos ay ang pag-alala sa kanya sa lahat ng ating daan o gagawin. Kung tayo man ay mayroong isasagawang bagay o tayo man ay magpaplano, nagtitiwala tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pag-alala sa kanya at pagkilala sa kanya bilang Diyos na nagbibigay sa atin karunungan para sa ating mga plano at mga gagawin. Ngunit paano kung wala na talaga tayong magagawa? Paano kung talagang naubos na natin ang lahat ng paraan para sa isang bagay na dapat nating gawin? Halimbawa, kung ang isang Cristiano ay naghahanap ng trabaho at nagawa na niya ang lahat ng possible niyang gawin ngunit wala pa ring trabahong dumarating? Dito papasok ang pagtitiwala sa Diyos na may paghihintay. Ang sabi ni Propeta Mikas: “Ako nama’y umaasang maghihintay kay Yawe, sa Diyos na nagliligtas sa akin. Diring­gin ako ng aking Diyos.” (Mikas 7:7, ABSP). Minsan ay dumarating tayo sa dead-end o yung sitwasyon na hindi na natin alam ang ating gagawin. Ngunit dito nga nais ng Diyos na ilagak natin an gating sarili at isipan sa kanya. Umasa at maghintay tayo sa Diyos. Palakasin natin an gating pananalig at pagtitiwala sa kanya sa mga ganitong pagkakataon. Ngunit hanggat mayroon tayong magagawa, hanggat mayroong paraan na maaari nating ilapit sa Diyos sa panalangin, mayroon tayong responsibilidad na gawin ang mga bagay na yaon na humihingi ng kanyang patnubay at karunungan sa bawat hakbang na ating gagawin. Nais ng Diyos na gamitin natin ang isip at talino na kanyang ipinagkaloob sa atin na nagtitiwala sa kanya sa paggamit natin ng mga ito. Ito ang uri ng pagtitiwala sa Diyos na aking nakikita sa Biblia.

PAGSUNOD SA DIYOS

Minsan kapag nalalagay tayo sa mga dead-end situations lumalapit ang kaaway sa ating isipan at nag-aalok na kumapit tayo sa patalim, ibig sabihin, ang gumawa tayo ng labag sa kalooban ng Diyos. Dito natin makikita na ang kawalan ng pagtitiwala sa Diyos ay nagdudulot ng pagsuway. Subalit kung may malusog na pagtitiwala sa kanya ang kaakibat nito ay ang pagsunod sa kanya.

Ngayon, kung paano sa isang pamilya ay may mga masunuring anak at masuwaying anak, ganun din sa pamilya ng Diyos. Mayroon mga obedient Chrsitians at mayroon ding mga disobedient Christians. Nasaan ka sa dalawang ito? Ang sinumang tunay na manalig kay Cristo ay pinagkakalooban ng Espiritu Santo. Ang sabi ni Cristo: “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin, at ang lahat ng nananalig sa akin ay uminom. Sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.'” Ang tinutukoy niya’y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya” (Juan 7:37-39, Ang Bagong Magandang Balita Biblia o ABMBB). Napakahalaga ng papel ng Espiritu Santo sa buhay ng isang Cristiano lalo na sa kanyang pagsunod sa Diyos, sapagkat sinasabi sa Ezekiel 36:27, “Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos” (ABMBB). Kapag kulang tayo sa kapuspusan ng Espiritu Santo, napakadaling sumuway sa Diyos ngunit kapag tayo ay puspos ng Espiritu Santo napakadaling sumunod sa Diyos sapagkat siya ang nagbibigay kalakasan at kakayanan sa atin upang makalakad tayo ayon sa kanyang mga tuntunin at makasunod tayo sa kanyang mga utos. Sa family devotion naming noong isang gabi, binigyan ko ng diin ang isang katotohan sa buhay ng maraming Cristiano at iyon ay ang katotohanan na napakaraming Cristiano (kabilang na ako) na noong mga unang taon ng pagiging born again ay napakadaling sumunod sa Diyos. Ngunit habang tumatagal sa pananampalataya ay tila baga unti-unti ring nagiging masuwayin o ayon sa kasabihan natin, “Habang tumatanda ay nagkakasungay na.” Ito’y dahil napabayaan ang isang utos sa Efeso 5:18: “… punuin ninyo ng espiritu ang inyong sarili.” (ABSP) Kinakailangan ang pagmimintina ng pagiging puno o puspos ng Espiritu dahil kung hindi ito mamintina, tayo ay magkukulang sa kanyang kapuspusan at mas malamang na tayo’y lumakad sa mga hilig ng laman kesa sa sumunod sa hilig ng espiritu. Sinabi ni Pablo: “Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman. Sapagkat ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espiritu, at ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito kaya’t hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin” (Galacia 5:16-17, ABMBB)

Hindi matatawaran ang kahalagahan ng Espiritu Santo kung ang pagsunod sa Diyos ang pag-uusapan. Hindi ko imumungkahi na sikapin inyong sumunod sa Diyos kung kayo ay hindi pinaghaharian ng Espiritu Santo. Ako mismo kinompronta ko ang Diyos at sinabi ko sa kanya, “Panginoon, useless ang buhay Cristiano ko kung wala ang kapuspusan ng Espiritu Santo. Hindi ako susunod sa iyo dahil hindi ko kayang sumunod sa ‘yo kung wala ang Espiritu Santo. Kaya bahala ka Panginoon, kung hindi mo ako pupuspusin ng iyong Espiritu, hindi talaga ako makasunod.” Kaya hindi dapat ilagay ang karwahe sa unahan ng kabayo. Ibig sabihin, hindi natin dapat pilitin o pagsumukipan na sumunod sa Diyos kung hindi pa tayo pinaghaharian ng Espiritu Santo. Kapag siya’y naghahari na, tsaka pa lamang tayo makakasunod. Kaya hindi dapat na mauna ang pagbabawal sa mga bagong Cristiano, sapagkat kung hindi sila pinaghaharian ng Espiritu Santo, kahit na anong pagbabawal ang gawin natin hindi nila masusunod iyon. Oo, maaaring sumunod sila ngunit iyon ay dahil sa takot sa atin at hindi dahil iyon ang gusto nila. Ang dapat ay matulungan natin sila na makilala ang Espiritu Santo at ma-encourage sila na mapuspos ng Espiritu Santo. Kapag sila ay namumuhay na sa Espiritu, hindi na sila dapat pagbawalan sapagkat ang buhay nila ay magiging buhay ng pagsunod na sa Diyos. Ipakita nyo sa akin ang isang Cristianong puspos ng Espiritu Santo at sasabihin ko sa inyo ang isang Cristianong masunurin sa Diyos. Sa madaling sabi, kapag ang isang Cristiano ay namumuhay na puspos ng Espiritu Santo, siya ay namumuhay ng masunurin sa Diyos. At ang buhay na masunurin sa Diyos ang pinakamasayang buhay dito sa ibabaw ng lupa.

Ito ang diwa ng masaya at ganap na buhay Cristiano: ang maging masurin sa Diyos at ang magtiwala sa kanya ng lubos. At kung mayroon mang bahagi sa ating buhay espirituwal na dapat na paunlarin sa mga panahong ito, walang iba kundi ang dalawang ito: PAGTITIWALA AT PAGSUNOD.

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s