Ang Kasapatan Ng Kagandahang-loob Ng Diyos

Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sapat, una sa lahat, para sa sangkatauhang makasalanan yamang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan upang maligtas at mahango mula sa kasalanan at mula sa kaparusahan nito ay ang kagandahang-loob ng Diyos.

Ang maligtas at mahango mula sa kasalanan at kaparusahan nito ay nangangahulugan na ang isang makasalanan ay hindi kailangang gumawa ng anuman upang maligtas kundi ang manalig lamang mula sa kanyang puso na ang kamatayan ng Panginoong Jesu-Cristo sa krus ay ang sapat na probisyon ng Diyos para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan tungo sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sapat din sa pagpapawalang-sala sa mga makasalanan yamang sa mata ng Diyos tayong mga makasalanan na taos-pusong sumampalataya kay Cristo ay pinawalang-sala ng Diyos at itinuring na matuwid sa kanyang harapan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo na wala tayong kailangang gawing anuman (Roma 4:4-5). Ang kahgandahang-loob ng Diyos ay sapat para sa kaligtasan ng ating kaluluwa kung kaya’ t wala tayong dapat na idagdag dito.

Sa panahon ng pagdurusa, ang kagandahang-loob ng Diyos ay sapat din para sa atin. Sa 2 Corinto 12:9, sinabi ni Apostol Pablo ang ganito, “Sinabi niya sa akin: ‘Sapat sa iyo ang aking biyaya dahil ang aking kapangyarihan ay nalulubos sa kahinaan’” (ASD). Ang pahayag na iyan ng Panginoon kay Apostol Pablo ay hindi dapat malimutan ng sinumang anak ng Diyos, sapagkat ang biyaya o kagandahang-loob ng Diyso ang tanging kailangan natin kapag tayo ay nahaharap sa anumang kahirapan o pagsubok sa buhay. Ipinangako ng Panginoon na ang kanyang kagandahang-loob ay tunay na sasapat para sa atin sa mga ganitong panahon ng pagdurusa at kapighatian. Marami sa ating mga Cristiano ang makapagpapatunay na tayo nga ay pinananatiling matatag ng kagandahang-loob ng Diyos sa kabila ng mga dinaranas nating pagdurusa, kahirapan, at kapighatian sa buhay. Sa katunayan, marami sa atin ang nakasuong pa rin sa mga apoy ng pagsubok at pagtitiis ngunit tayo ay patuloy pa ring nakakaawit ng mga papuri sa Diyos dahil sa kanyang kabutihan at kagandahang-loob. Iyan ay patunay lamang na ang kagandahang-loob ng Diyos ay sapat na kumikilos sa atin.

Ngunit paanong naging sapat ang kagandahang-loob ng Diyos? Ito’y sapat sapagkat ang Diyos ay lubhang napakayaman sa kanyang kagandahang-loob. Siya na nagkakaloob nito at pinagmumulan nito ay ang manlilikha natin mismo at siya’y lubhang napakayaman sa kagandahang-loob. Nalalaman kong hindi madaling isipin kung gaano kayaman ang Diyos sa kagandahang-loob. Ngunit subukan ninyong isipin ang kalawakan. Sinasabi ng mga siyentista na mayroong bilyones na galaxy sa kalawakan at bawat galaxy ay naglalaman ng hindi mabilang na mga bituin at mga planeta. Samakatuwid, ang kalawakan ay napakayaman sa mga bituin at mga planeta. Ngunit ang Diyos ay lubhang higit na mayaman sa kanyang kagandahang-loob kesa sa pagiging mayaman ng kalawakan sa mga bituin at mga planeta. At ang paglalarawan na iyan ay lubhang napakaliit lamang kumpara sa tunay na larawan ng pagiging mayaman ng Diyos sa kanyang kagandahang-loob. Kaya kung ang tanong ay: Ang kagandahang-loob ba ng Diyos ay sapat? Ang tiyak na sagot ay: Oo, lubhang sapat at higit na sapat ang kagandahang-loob ng Diyos sa atin.

Walang kasalanan na hindi maaaring bigyang atensyon ng kagandahang-loob ng Diyos. Walang tao sa ibabaw ng lupa ang hindi maaaring pagkalooban ng kagandahang-loob ng Diyos. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na sapat sa lahat ng pangangailangan ng sinumang kaluluwa sa ibabaw ng lupa. Mapuno man ng taong makasalanan ang buong daigdig o maging ang lahat ng planeta sa kalawakan sa puntong wala ng paglagyan ang lahat ng planeta, ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na sapat upang tugunan ang pangangailangan ng bawat kaluluwang nangangailangan ng kanyang kagandahang-loob.

Ang isa pang dahilan kung bakit sapat ang kagandahang-loob ng Diyos ay sapagkat ito’y hindi maaaring madagdagan. Hindi tinatakal ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob kapag ibinibigay niya ito sa isang tao. Nagkakaloob ang Diyos sa sinuman ayon sa kayamanan ng kanyang kagandahang-loob. Halimbawa, sa Efeso 1:7 ay mababasa natin, “Na sa kaniya, ayon sa kasaganaan ng kanyang biyaya, tayo ay mayroong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran sa mga kasalanan.” Pag-usapan natin ang tungkol sa kapatawaran ng kasalanan halimbawa. Kung ang kapatawaran ng kasalanan ang pag-uusapan tayo ay pinatawad ng Diyos AYON SA kasaganaan ng kanyang biyaya o kagandahang-loob. Hindi niya tayo pinatawad MULA SA KASAGANAAN ng kanyang biyaya o kagandahang-loob. Sa madaling sabi, hindi natin kailangang humingi sa Diyos ng dagdag pang kagandahang-loob para sa ating kapatawaran sapagkat tayo ay lubos-lubos o buong-buo na pinatwad ng Diyos AYON sa kasaganaan o kayamanan ng kanyang kagandahang-loob. Ibig sabihin, ang kapatawarang tinanggap natin mula sa Diyos ay hindi lamang 30% o 50% o 75% ng kanyang pagpapatawad. Hindi. Sa halip, kapag ang Diyos ay nagpatawad, siya ay nagpapatawad AYON sa kasaganaan o sa kayamanan ng kanyang kagandahang-loob. Kaya nga ito ay sapat. Sa tuwing tayo ay tatanggap ng kanyang kagandahang-loob ito ay laging nag-uumapaw sa sukat at hindi na maaaring dagdagan pa at hindi rin naman maaaring bawasan.

Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sapat din sapagkat wala tayong ibang kailangan kundi ang kanyang kagandahang-loob. It’s grace alone plus nothing else. Wala na tayong maaaring hanapin pa at wala na tayong kakailanganin pa. Kaya nga masasabi nating ito’y sapat na. Bakit pa tayo maghahanap ng iba bagay o ibang tugon sa ating pangangailangan kung mayroon namang nakalaan na nag-uumapaw pa sa sukat? Liban diyan, ang paghahanap ng iba pang tugon ay magdudulot lamang ng kabiguan. Nalalaman ng Diyos na ang tanging kailangan natin sa buhay na ito ay ang kanyang kagandahang-loob. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang pinakahigit. Ang dumulog sa ibang bagay para sa ating pangangailangan ay ang pagpili ng mas mababa kesa sa pinakahigit. Totoo na maaaring hindi natin maranasan ang mahango mula sa mga pagdurusa at paghihirap dito sa lupa sa buong buhay natin, ngunit ang pagtiisan ang mga kahirapan at pagdurusang ito na taglay ang pangakong kagandahang-loob ng Diyos sa gitna ng mga apoy ng pagdurusa ay nagbibigay lugod sa Diyos na hindi lumilimot sa ating mga dinaranas na kahirapan at pagdurusa sa buhay na ito. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang tanging kailangan natin para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang tanging kailangan natin para sa kalakasan at katatagan sa gitna ng mga kahirapan at pagdurusa. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang tanging kailangan natin upang tayo ay makapamuhay ng kalugod-lugod sa kanyang harapan. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang tanging kailangan natin para sa lahat ng bagay sa buong buhay natin at wala ng iba pa sapagkat tanging ang kagandahang-loob ng Diyos lamang ang lubhang sapat para sa lahat ng bagay na kailangan natin upang mabuhay.

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s