Ang Paghuhubog Ng Diyos

Isang iskultor ang tila ba walang kahirap-hirap na humubog ng anyo ng isang tao mula sa isang malaking bato. Tinanong siya ng isa sa mga nagmamasid: “Bakit parang napakadali para sa iyo ang gawin ang bagay na iyan?” Sumagot siya ng ganito, “Ito ang aking gawain sa loob ng napakahabang panahon, kaya ako’y sanay na sa ganitong gawain.”

Ang Diyos ay higit na sanay sa gawain ng paghubog ng buhay ng tao. Siya ay higit pa sa isang eksperto kung ang pagbabago ng buhay ang pag-uusapan. Lahat ng taong lumalapit sa kanya na may pagpapakumbaba at pagpapasakop ay kanyang hinuhubog tungo sa isang bagong buhay at tungo sa bagong anyo. Napakaraming tao na ang binago ng Diyos sa kasaysayan ngunit nais ko lamang banggitin ang tatlong pangalan na kilala sa buong mundo na ang isa ay lubos na ginamit ng Diyos noong kanyang panahon at ang dalawa ngayon ay lubos din namang ginagamit ng Diyos sa kanyang ministeryo at gawain. Nariyan si Apostol Pablo na isang mang-uusig ng mga Cristiano at nag-uutos na sila’y ipabilanggo kundi man ipapatay. Ngunit siya ay kinatagpo ng Panginoon habang siya ay pantungo sa Damasco upang iligpit ang mga Cristiano doon at siya ay nagkaroon ng pagbabago sa kanyang buhay. Kanyang sinabi na may pag-amin ang ganito, “Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan” (1 Timoteo 1:15).  Alam niya na ang kanyang ginawa sa mga Cristiano noon ay lubhang napakasama kaya’t sinabi niya na siya ang “pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan.” Ngunit ang taong ito na pinakamasama sa lahat ng makasalanan ay siya ring naging isang kampeon ng kabanalan.

Nariyan si Nicky Cruz, dating isang lider ng mapanggulong grupo ng mga kabataan sa New York ngunit ngayon ay isa ng dedikadong lingkod ng Diyos. At nariyan din si Raul Ries, isang bayolenteng tao na nagtangkang pagbabarilin ang kanyang sariling pamilya minsan isang gabi, ngunit habang kanyang hinihintay ang pagdating ng kanyang mag-anak upang sila’y paslangin, kanyang binuksan ang telebisyon at napanood niya ang isang mangangaral na si Chuck Smith na nangangaral ukol sa pagpapatawad ng Diyos at doon mismo ay lumapit siya ng taos-puso sa Panginoon at nakaranas ng kaligtasan. Ngayon si Raul Ries ay isang pastor ng Calvary Chapel Golden Springs. Dalawa lamang iyan sa napakaraming taong binago at hinubog ng Diyos tungo sa bagong larawan (at nariyan din sina Eddie Villanueva at Butch Belgica, dalawang lalaking lubhang kilala sa atin sa Filipinas).

Subalit katulad marahil ng isang iskultor na kailangang tapyasin ang ilang bahagi ng bato sa pamamagitan ng kanyang
matalas na pang-ukit, ang Diyos din kadalasan ay kailangang gumamit ng matatalas na kasangkapan upang tayo ay hubugin sa larawan na nais niya. Ang mga pagsubok, pagdurusa, kapighatian, at iba pang tulad nito ay mga kasangkapan ng Diyos upang tayo ay kanyang mahubog tungo sa isang larawan na napakanganda sa kanyang harapan. Si Apostol Pablo ay dumanas din ng mga ito. Naranasan ni Pablo ang maraming hirap, pagtitiis at pagdurusa alang-alang kay Cristo ngunit siya ay nalapit naman ng lubusan kay Cristo. Sa pasimula pa lamang ng kanyang ministeryo ay sinabi na ng Diyos, “Ipapaunawa ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin” (Gawa 9:16). Kadalasan, ganito kumilos ang Diyos sa buhay ng mga taong nagmamahal sa kanya at nagnanais mahubog pa tungo sa bagong anyo. Hinahayaan ng Diyos na tayo ay dumanas ng mga tiisin na nagsisilbing matatalas na pang-ukit upang tayo ay kanyang maanyuan ayon sa kanyang kalooban. Ngunit kadalasan din inaayawan natin ang mga tiising ito at idinadalangin na agad-agad mapawi ang mga hapding ito o kaya ay idinadalagin natin ang madaliang lunas para sa mga ito. Ngunit iba ang pananaw ng Diyos. Hindi niya tinitingnan ang pangkasalukuyang kalagayan natin kung saan tayo ay dumaranas hindi lamang ng kawalan ng kaginhawaan kundi pati na ng hapdi, kirot, at pagdurusa. Sa halip, tinitingnan niya ang ibubunga sa atin ng mga hapdi, kirot, at pagdurusang ito at iyon ay walang iba kundi ang bagong anyo na ninanais niya para sa atin. Sa 2 Corinto 12:7-10 ay sinabi ni Apostol Pablo, “Ngunit upang hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo’y hindi ako maging palalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, ‘Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.’ Kaya’t buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo. Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas.” Tatlong beses niyang hiniling sa Diyos na lunasan agad ang hapdi, kirot, at pagdurusang ito sa kanyang buhay ngunit iba ang tugon ng Panginoon sa kanya. Sinabi ng Panginoon na sapat ang kanyang biyaya para kay Pablo sa gitna ng pagdurusang kanyang dinaranas. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kalagayang ito, ang Diyos ang naitatanyag sa kanyang buhay na nagdudulot ng kalakasang panloob kay Pablo. Dahil dito, ang kalakasang mula sa Diyos ang siyang naghahari sa kanya at hindi ang kanyang sariling lakas at talino.

Ang isang Cristianong may puso sa Diyos ay pagtitiisan ang ganitong kalagayan, sapagkat nalalaman niya na hindi naman talaga siya kayang patayin ng pagdurusa kung hindi loloobin ng Diyos. Sa halip, nalalaman niya na ito ang paraan ng Diyos upang siya ay maihubog tungo sa pagiging tulad ni Jesu-Cristo.  At walang dapat ikabahala ang sinuman sapagkat ang mga kamay ng Diyos ay higit pa sa pagiging eksperto sa paghubog niya sa atin. Alam niya kung ano ang dapat gawin at kung ano ang dapat gamitin para sa atin sa iba’t-ibang pagkakataon at tiyak na hindi siya magkakamali. Hindi tulad ng ibang mga iskultor na minsan ay kanilang nababasag ang kanilang mga inuukit na anyo dahil sa kanilang kapabayaan o kaya naman ay dahil sa kanilang mga kamay na napapagal. Hindi ganoon ang mga kamay ng Diyos. Ang mga kamay ng Diyos ay ganap na maingat at suwabe kung umukit at hindi napapagod kailanman sapagkat sa bawat kilos ng kanyang mga daliri ay naroon ang kanyang puso na may kasabikan na makita ang isang nilalang na bunga ng kanyang makapangyarihan ngunit magigiliw na mga kamay.

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s