Araw Ng Kalayaan Para Sa Iyo

Ngayon ay ang ika-115 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng mga Filipino at ito’y ipinagdiriwang ngayon sa bansang Filipinas at ipinagdiriwang din ito ng mga Filipino na nasa iba’t-ibang panig ng daigdig. Bakit kalayaan? Ano ang dahilan at nagkaroon ng Araw ng Kalayaan?

Para sa kamalayan ng ilan, ang Filpinas ay pinamunuan ng Espanya sa halos 333 taon. Bagamat unang dumating ang mga Espanyol (o mga Kastila [katawagan nila bago ang taong 1470]) sa ating bansa noong Marso 16, 1521, ang pamumunong kolonyal ay hindi nagsimula hanggang sa dumating si Miguel López de Legazpi noong February 13, 1565. Masasabi natin na tayo ay sinakop at pinamunuan ng mga Kastila sa loob ng 300 taon kaya naman marami sa atin ang may apelyidong Kastila at ang ating lengguahe ay mayroon ding halong Kastila.

Bagamat nagdeklara ng kalayaan sina Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898, ito ay hindi kinilala ng Espanya at ng Estados Unidos ng Amerika. Sa halip, isinuko ng Espanya ang Filipinas sa Amerika noong Disyembre 10, 1898 sa Treaty Of Paris at ang Filipinas ay naging teritoryo ng Amerika at napailalim sa kanilang pamumuno hanggang 1946. Noong Hulyo 4, 1946 kinilala ng Amerika ang kalayaan ng Filipinas sa Treaty Of Manila. Iyan ang dahilan kung bakit noon (bago 1964), ang Araw ng Kalayaan ay ipinagdiriwang tuwing ika-4 ng Hulyo. May suspetsa ako na ang dahilan ng pagdedeklara ng kalayaan sa pamumuno ni Gen Emilio Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898 ay sapagkat nagapi na ng Estados Unidos ang Espanya sa Battle of Manila Bay, halos isang buwan at kalahati na ang nakalilipas (Mayo 1, 1898). Ano’t-ano pa man, ang mahalaga ay nagkaroon ng kalayaan ang Filipinas mula sa 300 taong pamamahala ng Espanya sa ating bansa.

Subalit mayroon pang higit na kalayaan na dapat maranasan ang bawat Filipino. Ito ay ang kalayaan mula sa kasalanan.Kung paano ang Filipinas ay napailalim sa kapangyarihan ng mga Kastila sa mahabang panahon, gayun din ang maraming tao. Sila ay napapailalim sa mahabang panahon sa kapangyarihan ng kasalanan. Sinasabi sa Roma 3:9 na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kasalanan, maging Judio man o Hentil.  Lahat ng tao ay alipin ng kasalanan at dahil dito tayo ay hiwalay sa tunay na diwa ng buhay dahil sa kasalanan. Bakit hiwalay sa tunay na diwa ng buhay? Sapagkat ang tunay na diwa ng buhay ay ang pagkakaroon ng tunay na kaugnayan sa pinagmumulan ng buhay, walang iba kundi ang Diyos. Ngunit dahil sa kasalanan, nahiwalay ang tao mula sa Diyos.

Kung ikaw ay nasa kapangyarihan pa ng kasalanan o ikaw ay alipin pa ng anumang uri ng kasalanan, dapat mong malaman na mayroong kalayaan para sa iyo. Kalayaan na nagdudulot ng bagong pag-asa at bagong buhay mula sa Diyos. Kung papaanong ang mga Filipino noon ay nagkaroon ng kasarinlan at kalayaan at hindi na nila kailangang sundin ang pagdidikta ng mga Kastila, gayun din naman, sa oras na maranasan mo ang kalayaang mula Diyos, hindi mo na rin kailangang sumunod sa dikta ng kasalanan sa iyong buhay sapagkat maaari kang mapalaya ng Diyos mula sa pagkaalipin na iyan. Sa Roma 7:22-25 ay mababasa natin ang sinabi ni Pablo: Sa kaibuturan ng aking puso, ako’y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan. Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!

Kung ikaw ay seryoso at taos sa iyong puso na ikaw ay mapalaya mula sa kasalanan, ang Diyos ay tutugon sa iyo at bibigyan ka niya ng kalayaan mula sa kasalanan na hindi mo matatamo at mararanasan sa pamamagitan ng ibang paraan. Sa oras na ikaw ay taos-pusong manalig sa kanya, ikaw ay pagkakalooban niya ng kapatawaran sa lahat ng iyong kasalanan at simula dito dapat mong pakanasahin ang isa pang napakagandang kaloob niya sa iyo at ito’y walang iba kundi ang Espiritu Santo na siyang bukal ng espirituwal na kapangyarihan tungo sa kalayaan mula sa kasalanan. Sa 2 Corinto 3:17 sinabi sa atin ni Pablo, Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan.” Siya ang nagdudulot ng tunay na kalayaan.

Tunay na nakalulungkot na marinig at makita ang maraming tao, kasama na ang mga tunay na Cristiano, na napapailalim sa puwersa ng kasalanan. Hindi natin maitatanggi na kahit ang mga tunay na Cristiano ay nagiging alipin pa rin ng isa o higit pang uri ng kasalanan. Sa panlabas na anyo ay tila ba sila ay mga matatagumpay na mananampalataya. Sa kanilang masigabong pag-aawitan ay tila ba nagpapakita sila ng matagumpay na buhay Cristiano. Ngunit sa kanilang pag-iisa, mayroon silang malalim na pakikipagbaka laban sa kasalanan na umaalipin sa kanila. Ang iba sa kanila ay halos ginawa na ang lahat ng kanilang magagawa ngunit tila ba ang kasalanan ay nananatiling matagumpay laban sa kanila. Dahilan iyan upang ang ilan sa kanila ay tumalikod na lamang sa pananampalataya sapagkat wala silang makitang pag-asa upang lumaya sa pagkaaliping ito. Ngunit nais kong sabihin na mayroong pag-asa ng kalayaan. Mayroong pag-asa kay Cristo.

Hindi naging madali para sa mga Filipino ang magkamit ng kalayaan. Dugo at buhay ang pinuhunan nila para dito. Subalit naging seryoso ang grupo nina Gen. Emilio Aguinaldo para sa kasarinlan at kalayaan at kanilang inihayag ang kalayaan ng sambayanang Filipino noong Hunyo 12, 1898, at ito naging ang simula ng kalayaan ng Filipinas mula sa pamumuno ng mga banyagang Kastila. Nakatitiyak ako na ang mga nakiisa sa Deklarasyong ito ay namuhay ayon sa kanilang ipinahayag na kalayaan. Ngunit ang mga hindi nakaalam ay mas malaman na nanatiling sumusunod sa patakaran ng Espanya hanggang sa isuko nito ang Filipinas sa Amerika noong ika-10 ng Disyembre 1898.

Sa buhay espirituwal, paano ba mararanasan ang kalayaan na ipinagkakaloob ng Diyos? Walang tuwirang sagot sa tanong na ito maliban sa lumapit ka ng taos-puso sa Diyos at siya ang magpapalaya sa iyo. Sa kabilang dako, nais kong magbigay din ng mungkahi upang maging gabay para sa iyong karanasan ng kalayaan mula sa pagkaalipin sa kalasanan.

Una, isuko ang buhay kay Cristo. Maliban na ang buhay mo ay sakupin ng isang mas makapangyarihan, ang pangkasalukuyang namamahala (ang kasalanan) sa iyong buhay ay hindi aalis sa kapangyarihan. Ganun pa man, kahit ikaw ay pinlaya na ng Panginoong Jesu-Cristo, ang kasalanan ay mananatiling magnanais na umupo sa puwesto ng kapangyarihan. Subalit mahalaga na turuan mo ang iyong sarili ng KATOTOHANAN na ikaw ay pinalaya na. Walang iniwan iyan sa mga hindi nakaalam ng katotohanan na nagkaroon na ng deklarasyon ng kalayaan si Gen Aguinaldo. At dahil hindi nila alam ang katotohanan, silay ay sumusunod pa rin sa patakaran ng Espanya. Ngunit sa oras na malaman nila ang katotohanan, ang katotohanan ang magpapalaya sa kanila. At iyan din ang sinabi ni Cristo sa mga nagnanais ng espirituwal na kalayaan: “Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32).

Pangalawa, upang lubos na hindi makabalik sa puwesto ang kasalanan, kailangan mong hingin ang kapangyarihan ngEspiritu Santo. Alalahanin mong mahina ka kung sa iyong sarili lamang. Subalit mayroong nakalaan na kapangyarihan para sa iyo. Araw-arawin mo ang paghingi sa Diyos ng kapangyarihang ito. Sabihin mo sa kanya na may pagtangis at lubos na pangangailangan na hindi mo maisasapamuhay ang buhay na nakalulugod sa kanya kung hindi niya ipagkakaloob sa iyo ang kapuspusan ng Espiritu Santo sa iyong buhay sa bawat araw.

At pangatlo, lagi mong basahin ang dokumento na nagpapatunay na ikaw ay pinalaya na at iyan ay walang iba kundi ang Banal na Kasulatan. Noong nagdeklara ng kalayaan sina Gen Aguinaldo sa kanyang tahanan sa Kawit, Cavite, kanilang binasa ang tinatawag na Act of the Declaration of Independence. Dokumentado ang kanilang kapahayagan ng kalayaan na pinirmahan ng 98 katao. Gayundin naman, ang dokumento ng nagsasabing tayo ay malaya na ay pirmadong espirituwal ngEspiritu Santo na ang tintang ginamit ay ang dugo ng Panginoong Jesu-Cristo. Dapat lamang na lagi nating basahin ito upang lalong lumakas ang ating pananalig na tayo ay may bagong buhay at bagong katayuan. Isang malayang katayuan sa harap ng Diyos at malayang buhay na galing sa Diyos.

Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay nagnanais na palayain ka at pagkalooban ka ng buhay at kapangyarihan na makapamuhay ng mayroong tunay at lubos na kalayaan mula sa pagkaalipin ng kasalanan. Sa katunayan, ang araw na ito mismo ay maaaring maging Araw ng Kalayaan para sa iyo.

Matagumpay Na Pamumuhay Cristiano

VictoryNapakadaling sabihin at pag-usapan ang tungkol sa pagtatagumpay kay Cristo. Napakadaling maging isang maingay na Cristiano at sumigay ng “victory in Jesus”. Ngunit ang mahalaga sa puso ng Diyos ay kung paano tayo kumikilos at tumutugon sa mga pangyayari sa ating paligid tulad ng pagkilos at pagtugon ni Cristo sa mga ito. Sa lahat ng pagkakataon ang pagiging tulad ni Cristo ang dapat na makita sa bawat nagtataglay ng kanyang buhay. Sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagtatagumpay. Hindi ito nangangahulugan na tayo’y mamumuhay ng ganap, kundi ito’y nangangahulugan ng pagiging laging handa at nakalaan at nagnanais na sumunod sa kanyang mga yapak, at ito ang mahalaga sa puso ng Diyos. Subalit kung tayo’y tila ba nakikipaglaro lamang sa ating buhay espirituwal at hindi natin siniseryoso ang mga sinasabi ng Diyos sa kanyang Salita, hindi kailanman ito ikalulugod ng Diyos at hindi ito kailanman makakatulong sa pagtatagumpay natin sa ating buhay espirituwal. Magandang isa-isip ang pagiging matagumpay na Cristiano, ngunit kung hindi tayo seryoso sa mga bagay na ukol sa Diyos at sa kanyang Salita, mga salitang kung ating susundin ay siyang tunay na tagumpay, magiging panaginip lamang at haka-haka lamang ang tagumpay na ting isinisigaw at inaawit. Sa madaling sabi, hindi totoo at walang laman ang ating mga sigaw at pag-awit. Ang nakalulungkot, ang mga Cristiano ay binigyan ng Diyos ng lahat ng kanilang kailangan upang maging matagumpay sa buhay espirituwal, ngunit tila ba hindi binibigyang halaga ng maraming Cristiano ang mga ipinagkaloob na ito ng Diyos sa kanila. Maraming Cristiano ang kontento na lang na magsisigaw ukol sa tagumpay kay Crsito kaysa ang maranasan ito sa pamamagitan ng tunay na pagpapasakop ng kanilang buhay at kalooban sa Diyos na tulad ng ginawa ni Cristo. Sa totoo lang, ang katagang “talunang buhay Cristiano” ay isang katagang taliwas o contradictory statement, sapagkat ang buhay Cristiano ay isang pamumuhay na dapat ay matagumpay at hindi talunan. Ito’y dapat na matagumpay sapagkat ito ay buhay ni Cristo na nasa isang Cristiano, at ang buhay ni Cristo ay laging matagumpay.

Ano ang larawan ng iyong buhay espirituwal? Ito ba ay patuloy na matagumpay o ito ay pataas, pababa, pataas, pababa? Mayroong isang kabataan ang inihambing ang buhay Cristiano sa isang life monitor at sinabi niya kung walang pataas at pababa, wala na itong buhay. Totoo na kung life monitor sa hospital ang pag-uusapan, ang kawalan ng pababa at pataas na mga linya ay nagpapahiwatig na wala ng buhay ang taong kinakabitan ng life monitor. Subalit ang prinsipyong iyon ay totoo lamang sa life monitor, ngunit hindi sa buhay Cristiano. Sapagkat ang buhay Cristianong maraming pababa at pataas ay nagpapahiwatig ng kapabayaan ng isang Cristiano sa kanyang kaugnayan sa Diyos. Sa halip, ang diretsong pamumuhay na matagumpay ang tamang larawan ng buhay na tinatahanan ni Cristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang tanong ng marami, “Posible ba ang ganitong pamumuhay espirituwal? Maaari bang mamuhay ng diretsong matagumpay ang isang Cristiano?” Ang sagot ay, “Oo, maaaring mamuhay ng diretsong matagumpay ang isang Cristiano.” Kung hindi ka naniniwala dito bakit ka pa umaawit ng mga awiting tungkol sa pagtatagumpay? Bakit ka pa nagpapahayag ng katagang “victorious in Christ”? Higit sa lahat, posible na matamo ang diretsong matagumpay na pamumuhay Cristiano sapagkat ito ang itinuturo ng Salita ng Diyos: “sapagkat napagtagumpayan na ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.” (1 Juan 5:4-5) Subalit kung ito ay totoo, bakit maraming Cristiano ang tila ba namumuhay na talunan, laging nadadaig ng kasalana, at maraming pataas at pababa sa buhay espirituwal? Ano ang problema sa kanilang pamumuhay?

Nabanggit ko sa pasimula pa lamang na kung hindi natin seseryosohin ang Salita ng Diyos, hindi ito makakatulong sa ating pagtatagumpay sa ating buhay espirituwal. Bagamat totoong nakakatulong sa ating kaluluwa ang pagbabasa ng Biblia dahil ito ay nagbibigay ng encouragement at nagdudulot ng pagkaing espirituwal sa ating kaluluwa, ang hindi pagiging seryoso sa mga panuntunan nito para sa pamumuhay Cristiano ay hindi makakabuti sa sinuman upang maging matagumpay sa kanyang buhay espirituwal. Sa madaling sabi, ang tagumpay sa pamumuhay Cristiano ay nangangailangan ng pagiging seryoso sa Salita ng Diyos. Walang iniwan iyan sa tagumpay sa isang larangan ng palakasan o sports. Ang isang manlalarong hindi sineseryoso ang pagsasanay ay hindi kailanman magiging matagumpay sa palakasan na kanyang kinaaaniban. Kung paano ang mga manlalaro sa kanikanilang larangan ng palaksan ay naging matagumpay, tulad halimbawa ni Manny Pacquiao, dahil kanilang siniseryoso ang kanilang mga pagsasanay, ganun din naman ang mga Cristianong siniseryoso ang Salita ng Diyos sa kanilang buhay; sila’y magtatamo ng tagumpay na nais ng Diyos para sa kanilang buhay espirituwal.

Ngayon, ang isang Cristianong seryoso sa Salita ng Diyos na nagnanais ng tagumpay sa kanyang buhay espirituwal ay seseryosohin ang katotohanang mula sa Biblia na kailangan niya ang Espiritu Santo upang makapamuhay ng matagumpay. Sinabi ng Biblia sa Galacia 5:16, “Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman.” Nakikita mo ba ang iyong sarili na tila ba alipin ng hilig ng laman? Kung ikaw ay nasa ganitong kalagayan, hindi mo kailanman mapagtatagumpayan ang hilig ng iyong laman kung wala ang tulong ng Espiritu Santo. Sinasabi rin sa Salita ng Diyos, “Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos.” (Ezekiel 36:27). Nahihirapan ka bang sumunod ng patuloy at palagian sa mga utos ng Panginoon na iyong nababasa mula sa kanyang Salita? Muli, kung wala ang tulong ng Espiritu Santo, hindi mo maisasakatuparan ang kanyang mga utos, sapagkat tanging sa pamamagitan lamang ng Espiritu Santo mo tuluyang maisasakatuparan ang mga utos ng Panginoon at sa pamamagitan lamang din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ikaw ay makakalakad ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pamumuhay Cristianong kontento na wala ang kapuspusan ng Espiritu Santo ang isa sa mga pinakamalikang panlilinlang, perwisyo, at pinsala na nagawa ni Satanas sa maraming Cristiano sa ating panahon. Maraming mananampalataya ang hindi siniseryoso ang panawagan ni Apostol Pablo na “dapat kayong mapuspos ng Espiritu.” (Efeso 5:18b).

Maliban na mapuspos ng Espiritu Santo ang isang Cristiano, wala siyang kapangyarihan na pagtagumpayan ang hilig ng kanyang laman, lalo na kung siya ay tila ba alipin na ng hilig na ito. Gayunpaman, kung siya ay mapuspos ng Espiritu Santo, ang tagumpay ay tiyak kung paano ang pagsikat ng araw ay tiyak na darating matapos ang gabing madilim. Ngunit ang tanong, “Ikaw ba’y nagnanais na mapuspos ng Espiritu Santo?” Marahil ang iyong sagot ay, “Oo.” Subalit hindi lamang pagnanais ang isyu dito. Ang isyu dito ay kung ikaw seryosong nagnanais at desperadong nagnanais na mapuspos ng Espiritu Santo upang makapamuhay ka ng matagumpay at sa gayon ay mabigyang lugod mo ang Diyos. Ang isang taong desperado na mapuspos ng Espiritu Santo sapagkat nais niya ng tagumpay laban sa kasalanan at sa hilig ng laman para mabigyang lugod ng Diyos ay hindi bibiguin ng Diyos; ipagkakaloob ng Diyos sa kanya ang kapuspusang ito sapagkat seryso siya na mabigyang lugod at maluwalhati ang Diyos sa kanyang buhay.

Ang pamumuhay ng matagumpay ay hindi para sa ating sarili. Ang pamumuhay ng matagumpay sa ating buhay Cristiano ay para sa ikalulugod at ikaluluwalhati ng Diyos. Ano mang tagumpay sa ating buhay espirituwal na tayo lamang ang makikinabang ay hindi talaga tunay na tagumpay. Maging ang dalawamput apat na pinuno na mababasa natin sa aklat ng Pahayag 4:10 ay inialay ang kanilang korona (o sabihin nan ating tropeo) sa harap ng trono ng Diyos, na nagpapahiwatig lamang na maging ang kanilang tagumpay ay para sa Diyos. Ganun din naman tayo, ang ating tagumpay ay para sa Panginoong Diyos. Muli, ang tanong: “Namumuhay ka ba ng matagumpay?” Dapat lamang na ikaw ay mamuhay ng matagumpay sapagkat walang dahilan upang ikaw ay maging isang talunan, sapagkat nariyan ang kapangyarihan para sa iyong tagumpay na nakalaan lagi para sa iyo.

Si Pedro Calungsod, Ang Biblia, At Ikaw

Noong ika-21 ng Oktubre 2012, si Pedro Calungsod ay ginawang “santo” ng simbahang Romano Katoliko. Maraming Filipino ang nagdiwang sa okasyong ito at ang iba ay nagtungo pa nga sa Roma upang saksihan ang opisyal na paggawad ng simbahan kay Calungsod ng pagiging santo. Ang pagiging santo ni Pedro Calungsod ay sa loob lamang ng simbahang Romano Katoliko at ito ay hindi kinikilala sa simbahang Protestante. At hindi dahil siya ay idineklarang santo ng simbahang Katoliko, siya ay santo na rin sa mata ng langit.

Walang eksaktong tala o record ukol sa sa buhay Cristiano ni Calungsod na maaari nating malaman. Ni ang kanyang bayan na sinilangan ay hindi matiyak, at ni ang kanyang larawan ay hindi tiyak kung ano ang itsura. Ang tanging binigyang diin tungkol sa kanyang buhay ay ang kanyang ginawa sa Guam bilang isang Katolikong misyonero na nagturo ng katekismong Romano Katoliko sa mga taong Chamorro na naghatid sa kanyang kamatayan bilang isang martir.  Ngunit hindi dahil namatay ang isang tao habang siya ay naglilingkod bilang misyonero ng simbahan siya ay tunay ngang santo sa mata ng langit. Maging sa mga simbahang Protestante at Ebangheliko, may mga dumadalo sa mga simabahang ito na hindi pa tunay na born again ang nagtutungo rin sa iba’t-ibang bansa upang maging misyonero, ito man ay pangmatagalan o panandaliang pagmimisyon lamang. Sila ay sumasama lamang sa isang mission group upang makaranas ng pagmimisyon sa ibang bayan. Nababanggit ko ito sapagkat sa mga iglesiang aking dinaluhan dito sa Scotland, nasaksihan ko na may mga ganitong kaso o pangyayari na kahit hindi pa tunay na born again ay naisasama sa pagmimisyon. Kaya, hindi dahil nasa gawaing pagmimisyon ang isang tao, ang kanyang kaugnayan sa Diyos ay tunay. Sa madaling sabi, hindi ang ginawa ng isang tao ang nagdadala sa kanya sa lugar ng pagiging santo. Sa katunayan, ayon sa Biblia ang naghahatid sa atin sa pagiging santo sa mata ng Diyos ay ang ginawa ni Cristo sa ating buhay. Kahit na marating ng isang tao ang lahat ng bansa sa buong daigdig sa pamamagitan ng gawaing pangrelihiyon, kung wala naman siyang tunay na kaugnayan kay Cristo at ang kanyang kaugnayan sa Diyos ay sa pamamagitan lamang ng kanyang relihiyon, ang taong ito ay hindi kinikilala ng langit bilang isang santo. Dahil walang makapagsasabi tungkol sa tunay na kaugnayan ni Calungsod sa Diyos, maliban sa kanyang ginawa at pagiging martir, mahirap sabihin ng tuwiran kung siya nga ay tunay na isang santo o hindi ayon sa pagiging santo na itinuturo ng Salita ng Diyos. Ngayon, mali bang kilalaning santo si Calungsod? May karapatan ba ang Simabahang Katoliko na gawing santo ang isang tao? Ang totoo, wala tayong karapatan na pakialaman ang ginagawa ng simbahang Katoliko sa loob ng kanilang simbahan o hurisdiksyon. At bilang mga Cristianong born again, dapat nating respetuhin ang mga pamamaraan ng pananampalataya ng iba’t-ibang relihiyon kahit na sa ating pananaw ang mga pamamaraang ito ay mali. Ngunit hindi ito nangangahulugan na umaayon tayo sa kanilang mga pamamaraan. Muli, ang paggawad ng pagiging santo kay Calungsod ay sa loob lamang ng simbahang Romano Katoliko at sa kanilang pananaw ito ay hindi mali, bagkus ito ay lubhang tama, sapagkat ito ay dumaan sa mahaba at napakatagal na proseso. Maraming pagsasaliksik at sabihin na natin, pag-iimbestiga, ang isinagawa ng simbahang Katoliko bago igawad ang pagiging santo kay Calungsod. Kaya naman, sa mata ng simbahang Katoliko, ang pagkilala kay Calungsod bilang isang santo ay hindi mali. Para naman sa ating mga hindi Katoliko, ito ay isang “no big deal,” sapagkat kung si Calungsod ay totoong may kaugnayan kay Cristo, siya ay totoong santo kahit hindi siya kilalaning santo ng Romano Katoliko. Kung siya naman ay walang tunay na kaugnayan kay Cristo, siya ay hindi santo sa mata ng langit kahit na siya ay ginawaran pa ng simbahang Katoliko ng titulo ng pagiging santo.

Sa kabila nito, ang nakikita kong problema sa paggawad ng pagiging santo kay Calungsod ay hindi sa parte ni Calungsod mismo. Kung siya man ay tunay na santo sa mata ng Diyos o hindi, tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam. Kung siya man ay kapiling ng Diyos ngayon o hindi, iyon ay hindi na mababago. Kaya sa parte ni Calungsod tapos na ang lahat. Ngunit hindi sa parte ng mga parokyanong Katoliko. Ang paggawad ng pagiging santo kay Calungsod ay maaaring magdala sa maraming Katoliko sa impiyerno. Hindi dahil sa kagagawan ito si Calungsod kung ito man ay mangyari. Bakit ko nasabi na ang paggawad ng pagiging santo kay Calungsod ay maaaring magdala sa maraming Katoliko sa impiyerno? Una, sa halip na sila ay lumapit ng diretso kay Cristo tungo sa Ama (Juan 14:6), mas malamang na ang mangyari ngayon ay may mga Filipinong lalapit kay Calungsod, sa halip na kay Cristo lamang, sa pag-asa na sila ay ilalapit nito sa Diyos. At alam ating ito ay lubhang mali.

Pangalawa, ang mga Katoliko o, at least, ang mga Filipinong Katoliko ay namulat sa sistemang palakasan. At dahil si Calungsod ay isa ng “santo”, malamang na isipin ng ilang Filipino, lalo na ang mga kamag-anak at mga kababayan ni Calungsod, na ang kapatawaran ng kanilang kasalanan at maging ang kanilang kaligtasan ay mas mapapadali na ngayon. Sa madaling sabi, malaki ang posibilidad na sila ay umasa kay Calungsod para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan at para sa kanilang kaligtasan.

At pangatlo, may mga Katoliko ngayon na ang panalangin ay iuukol kay Calungsod sa halip na iukol ng tuwiran sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Alam natin na karaniwan ng gawain sa loob ng simbahang Katoliko na ang mga parokyano ay hindi lamang nananalangin sa mga santo, kundi sila rin ay nag-aalay ng kung anu-ano sa kanilang mga santo upang humingi ng pabor. At dahil si Calungsod ay kinikilala nila ngayon bilang isang santo, mas malamang sa hindi na ang mga kababayan niyang Katoliko ay mag-alay ng panalangin sa kanya.

Kapag ang ganitong mga kaisipan ang mamayani sa maraming Filipino (at ito ay hindi imposible), maraming kaluluwa ang tiyak na mapapahamak.

Ngayon, sino ba ang tunay na santo? At ano baa ng ibig sabihin ng salitang “santo?” Ang ibig sabihin ng salitang “santo” ay banal, sa wikang Inggles ay “holy.” Kaya ang sinumang banal ay sinasabing santo. At ang mahalagang tanong ay ito: Sino ang nagdedeklarang banal ang isang tao? O sino ang tahasang makapagsasabi na ang isang tao ay banal? Maaarin bang gawin ito ng isang kapwa tao? Maaari bang ideklara ng isang pinuno ng simbahan na banal ang isang tao at pagkatapos ang buong kalangitan ay dapat sumang-ayon sa deklarasyong iyon? Natural, hindi. Hindi kailanman maaaring magdeklara ng anuman ang isang tao, kahit siya pa ang pinakamataas na pinuno ng isang simbahan o relihiyon, at pagkatapos ang Diyos ay susunod o sasang-ayon sa deklarasyong ito. Sa halip, kung ano ang sinabi ng Diyos, ang tao ang dapat na sumunod. At ano ba ang sinasabi ng Diyos ukol sa pagiging santo? Sino ba ang mga santo?

Ayon sa Biblia, ang mga banal o santo ay yaong mga nakipag-isa kay Cristo sa pamamagitan ng tunay na pananampalataya sa kanya. Halimbawa, sa 1 Corinto 1:2 ganito ang sabi ni Apostol Pablo sa Bibliang Inggles na New American Standard Bible, “To the church of God which is at Corinth, to those who have been sanctified in Christ Jesus, saints by calling, with all who in every place call on the name of our Lord Jesus Christ, their Lord and ours”. Sa Bibliang Filipino na Ang Biblia (Edisyon 2001) “Sa iglesia ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon.” Pansinin ninyo na (1) ang mga Cristianong ito ang iglesiang ito na nasa Corinto ay tinawag na mga saint o mga santo o mga banal nang sila ay nabubuhay pa. Maliwanag na sila ay buhay pa sapagkat si Apostol Pablo ay sumulat pa sa kanila. Sa kabilang dako, sa simbahang Katoliko, hindi idinideklarang santo o banal ang isang tao hanggat siya ay buhay pa. Kinakailangan na siya ay matagal ng namatay bago siya maideklarang santo. Katulad ni Calungsod, si Calungsod ay namatay noong Abril 2, 1672 ngunit ngayon lamang siya idineklarang santo ng simbahang Katoliko, matapos ang 340 taon.

(2) Ang mga taga-Corinto ay hindi mga martir sa pananampalataya, bagkus ang unang sulat ni Pablo sa kanila ay puno ng pagtutuwid dahil sa mga kamalian at kasalanan na nagaganap sa iglesia roon sa Corinto noong panahong iyon.

At (3) tinawag silang santo o banal hindi dahil sa kanilang nagawa para sa Diyos kundi dahil sa kanilang taos-pusong pagtawag sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo. Sa madaling sabi, ang isang tao na taos-puso o tunay na sasampalataya kay Cristo ay ibibilang ng Diyos na saint o santo o banal kay Cristo.

Narito ang ilang talata mula sa mga sulat ni Apostol Pablo (sa Bibliang Inggles) na nagpapatunay na ang mga nabubuhay na mga mananampalatayang totoo ang siyang mga tunay na santo o saint:

Romans 1:7 – “To all in Rome who are loved by God and called to be saints: Grace and peace to you from God our Father and from the Lord Jesus Christ.”

Romans 15:25 – “Now, however, I am on my way to Jerusalem in the service of the saints there.”

1 Corinthians 1:1 – “Paul, an apostle of Christ Jesus by the will of God, and Timothy our brother, To the church of God in Corinth, together with all the saints throughout Achaia:”

2 Corinthians 13:13 – “All the saints send their greetings.”

Ephesians 1:1 – “Paul, an apostle of Christ Jesus by the will of God, To the saints in Ephesus, the faithful in Christ Jesus:”

Batay sa mga talatang iyan mula sa Salita ng Diyos, sino ang mga tinatawag na santo? Walang iba kundi ang lahat ng tunay na nananalig kay Cristo. Kaya, hindi lamang dalawa ang santong Filipino. Marami na ang santong Filipino sa mata ng Diyos. At hindi pa nga natin tiyak kung ang dalawang santong Filipino na kinikilala ng simbahang Katoliko ay kinikilala nga sa langit bilang mga santo. Ngunit nakatitiyak ako, ayon sa Biblia, na lahat ng mga nakipag-isa kay Cristo sa pamamagitan ng isang taos-pusong pananampalataya ay tunay na santo sa mata ng Diyos.

May isang aral si Apostol Pablo na hindi dapat kalimutan ng bawat tunay na Cristiano. Ang sabi niya, “With this in mind, be alert and always keep on praying for all the saints” (Eph. 6:18). Hinihikayat, kundi man inuutusan, ni Pablo ang mga Cristiano na ipinalangin ang lahat ng mga saint o mga santo o mga banal. Ibig sabihin, we will not pray to them, but instead, we must pray for them. Hindi tayo mananalangin sa kanila, kundi sa halip ay dapat na idalangin natin sila. Sa madaling sabi, ang bawat santo ay dapat magdalanginan para sa isa’t-isa, at tayong mga Cristiano ang tinutukoy dito. Dapat tayong magdalanginan para sa isa’t-isa.

Kung hindi ka tiyak na ikaw ay banal sa mata ng langit, wala kang maaaring gawin upang ito ay iyong matamo sapagkat ang pagiging banal o santo sa mata ng Diyos ay hindi dahil sa iyong nagawa o magagawa kundi dahil sa ginawa ni Cristo sa krus at sa kanyang maaaring gawin sa iyong buhay. Naghihintay lamang ang Diyos na taos-puso kang lumapit kay Cristo at siya ay handa na magbigay sa iyo ng bagong buhay at bagong katayuan sa kanyang paningin – isang banal na katayuan sa kanyang paningin.

Pagtataguyod Ng Magandang Kaugnayan Sa Isa’t-isa

Ang mga Cristiano ang isang uri ng mga tao sa ibabaw ng lupa na inaasahan na magiging mahusay sa pagtataguyod ng kanialng relasyon sa kanilang kapwa. Walang ibang dapat na makagawa nito ng higit kesa sa mga taong nakakikilala at mayroong personal na relasyon sa Diyos. Hindi lamang sa kaalaman sa Biblia dapat tayong maging mahusay, hindi lamang ang pagsamba, sa panalangin, sa pangagaral, at iba pang mga gawaing espirituwal tayo dapat na maging mahusay, kundi maging sa ating pakikipag-ugnayan o pakikipagrelasyon sa isa’t-isa bilang magkakapatid sa Panginoon at ganun din sa ating pakikipag-ugnayan sa ibang tao sa labas ng iglesia.

Alam nating hindi mabuti ang mag-isa sa buhay. Sa katunayan, matapos lalangin ng Diyos ang lahat ng bagay, mayroong isang napakahalagang bagay na napansin ang Diyos. Ano iyon? Napansin niya na “Hindi mabuti na mag-isa ang tao…” (Genesis 2:18). Kailangan ng tao ng isa o higit pang kasama. Kailangan natin ng kasama at ang tulong ng iba. Ang sadyaang pag-iisa ay hindi mabuti para kaninuman, sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, kailangan ng tao ang kaugnayan sa kanyang kapwa – kailangan niya ng kasama at katulong. Ang sabi sa Mangangaral 4:9-12, “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? Kung ang nag-iisa’y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot.”

Ngunit ano nga ba ang mga kailangan nating gawin upang maitaguyod ang isang magandang relasyon sa ating mga kapatiran at sa ating mga kapwa? Una, mag-ibigan ng tunay sa isa’t-isa. Sinasabi sa 1 Juan 4:7,9, “Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” Inulit lamang ni apostol Juan ang napakahalagang utos ng Panginoong Jesu-Cristo sa Juan 13:34 na nagsasabi, “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo.” Sa magkakapatiran sa iglesia, ang pag-iibigan ang pinakamataas na dahilan kung bakit dapat itaguyod ang magandang kaugnayan sa isa’t-isa. Dahil mayroong utos sa atin na mag-ibigan tayo sa isa’t-isa, kinakailangan na maitaguyod natin ang kaugnayan sa isa’t-isa sapagkat ang pagkakaroon ng kaugnayan sa isa’t-isa ang pinto upang maipahayag natin ng lubos ang pag-iibigan sa isa’t-isa.

Ang pangalawang kinakailangan nating gawin upang maitaguyod natin ang kaugnayan sa isa’t-isa ay ang pakikipag-usap sa isa’t-isa. Ang pakikipag-usap ay isang pangunahing sangkap ng magandang kaugnayan. Napakahirap (kung hindi man imposible) ang magkaroon ng magandang kaugnayan kung wala ang komunikasyon. Totoo na mayroong mga taong tahimik, subalit hindi ito dahilan upang hindi sila kausapin. Madalas ang kanilang pagiging tahimik ay dahil hindi pa palagay ang kanilang kalooban sa iba. Ngunit kapag sila’y laging kinakausap nagiging palagay sila at nagsisimula silang maging makuwento. Kaya kung nais nating masimulan ang kaugnayan natin sa isang tao, kausapin natin siya o makipag-usap tayo sa kanya. Kung walang komunikasyon, imposible na magkaroon ng tunay na relasyon ang isa’t-isa. Sa panahon natin na ang paraan ng komunikasyon ay hindi na mahirap, wala tayong dahilan upang hindi magawa ang bagay na ito.

Pangatlo, magbigay tayo ng panahon sa ating kapwa. Huwag tayong maging makasarili sa ating oras. Kung nais natin na mapalalim ang ating kaugnayan sa ating kapwa, bigyan natin sila ng panahon. Magsakripisyo tayo ng ating sariling oras.  Marahil ay hindi tayo makasarili kung ang pag-uusapan ay mga gamit o salapi, ngunit kung ang pag-uusapan ay ang pagbibigay ng panahon sa ating kapwa, medyo tila ba hindi tayo komportable sapagkat nais nating gamitin ang ating oras sa mga bagay na pansarili. Ngunit hindi naman kailangang araw-araw ay naroon tayo sa tabi ng ating kapwa. Mayroon lamang mga pagkakataon na humihiling na tayo ay maglaan ng panahon sa kanila. Kung wala tayong panahon sa kanila, wala ring dahilan upang magkaroon ng magandang kaugnayan sa kanila. Ang pagkakaroon ng tunay na kaugnayan ay nangangailangan ng panahon sa isa’t-isa.

Pang-apat, magbigay tayo ng malaking espasyo para sa kanilang pagkakamali. Wala sinuman sa atin ang ganap. Kahit na si Mang Perfecto ay hindi perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali paminsan-minsan. At upang magkaroon ng magandang kaugnayan sa isa’t-isa, dapat na maging malinaw sa atin ang katotohanang iyan. Ang pagkakamali ng bawat isa ay hindi dapat maging hadlang sa kaugnayang atin minimithi. Madalas ay nabibigo tayo dahil sa pagkakamali o kahinaan ng ating kapwa. Halimbawa, nangako si Baldo sa atin na siya’y dadalo sa iglesia. Ngunit sa di natin malamang dahilan, wala siya nung araw na iyon. Ang isang reaksyon natin sa susunod na makita natin siya ay ang sabihin sa kanya, “Wala ka pale, drawing ka pala eh!” o anumang katumbas ng ganung pananalita. Subalit ito ay hindi nakakabuti sa ating kaugnayan sa kanya sapagkat maaari siyang magddamdam ng lubos at mawalan ng gana sa iglesia. Matuto tayong magbigay ng malaking espasyo para sa pagkakamali ng iba upang walang maging hadlang sa ating pakikipagrelasyon sa kanila.

At panlima, ipanalangin natin ang isa’t-isa. Sa pagtataguyod ng kaugnayan natin sa ating kapwa, ang panalangin ay may mabisang papel na ginagampanan.  Sa pamamagitan ng pananalangin sa isa’t-isa kumikilos ang Diyos sa buhay na bawa’t isa upang lalong maitaguyod ang minimithing kaugnayan. Sa pamamagitan ng pananalangin sa isa’t-isa nilalangisan ng Espiritu Santo ang ating relasyon sa isa’t-isa at dahil dito ay naiiwasan ang friction  o ang pagbabanggaang walang kabuluhan. Sa pamamagitan ng pananalangin sa isa’t-isa lalo tayong nalalapit sa isa’t-isa sapagkat nakakasama natin ang isa’t-isa sa pamamagitan ng panalangin.

Huwag nawang matapos sa pakikipagkamayan lamang ang ating kaugnayan sa mga kapatiran sa iglesia, sa halip, kung gaano kahigpit natin kinakamayan ang ating mga kapatiran sa loob ng iglesia, ay ganoon ding kahigpit (o higit pa) nating itaguyod ang ating kaugnayan sa kanila. Sa panahon natin na nagkakawindang-windang na ang lagay ng mundo, kailangan natin ang isa’t-isa, kaya naman marapat lamang na itaguyod natin ang ating kaugnayan sa isa’t-isa.

Ang Kahalagahan Ng Pagdedebosyon

Si Tommy ay isang bagong Cristiano. Halos wala pa siyang nalalaman ukol sa buhay Cristiano at sa Salita ng Diyos. Inanyayahan ko si Tommy na pumunta sa aming bahay tuwing Linggo ng gabi upang kami ay magsagawa ng pagdedebosyon na mayroong pagjo-journal. Kanyang pinaunlakan ang aking paanyaya at tinuruan ko si Tommy kung paanong magdebosyon at magsagawa ng journal. Nang muli kaming magkita noong sumunod na Linggo ng gabi, natuwa ako ng lubos sapagkat walang araw na nagmintis si Tommy sa pagsasagawa ng kanyang journal sa buong sanlinggong nagdaan. Sa kanyang pahayag, kanyang ikinasaya ang pagdedebosyon na myroong pagjojournal at maraming ipinakita sa kanya ang Panginoon na dapat niyang matutunan. Wiling-wili siya sa pagsasagawa nito lalo na kapag kanya ng isinusulat ang kanyang mga  panalangin.

Si Tommy ay maraming pakikibaka sa buhay, ngunit nakita niya ngayon mula sa Salita ng Diyos ang pagpapalang espirituwal na bumubusog sa kanyang kaluluwa. Marami siyang natututunan sa kanyang pagdedebosyon at ang ilan sa kanyang mga tanong ay nasasagot at ang iba naman ay kanyang itinatanong sa akin upang kanyang maliwanagan. Ang Diyos ay unti-unting kumikilos kay Tommy sa pamamagitan ng pagjo-journal. Siya mismo ngayon ay nag-aanyaya sa iba na gawin din ang gawaing ito sapagkat alam niya na mayroon itong ginagawa sa kanyang buhay.

Malaki ang magagawa ng pagjo-journal sa buhay ng isang Cristiano. Kaya naman ito ay aking binibigyang diin sapagkat maging sa aking buhay espirituwal at sa buhay espirituwal ng aking pamilya, may malaking papel na ginagampanan ang pagjo-journal na hindi mrahil maidudulot ng ibang gawaing espirituwal. Kaya ang aking hamon at paanyaya ay makilahok kayo sa gawaing espirituwal na ito at makikita ninyo ang kakaibang dulot nito sa inyong buhay espirituwal. Ngunit bakit nga ba napakahalaga at lubhang kailangan ang pagdedebosyon sa buhay ng isang Cristiano?

SINABI NI CRISTO NA ITO AY KAILANGAN

Ang isang dahilan kung bakit kailangan ang pagdedebosyon ay sinabi mismo ng Panginoong Jesu-Cristo na ito ay kailangan. Sa Lucas 10:38-42 ay mababasa natin ang ganito:

Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Jesus at dumaing, “Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.” Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Ang ginawa ni Maria na pakikinig sa Panginoon ay isang larawan ng pagdedebosyon. Sa talata 42 sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo, “…ngunit iisa lamang ang talagang  kailangan…” Ayon sa pahayag ng Panginoon mismo, ang pakikinig sa kanya, na siyang ginawa ni Maria, ay TALAGANG KAILANGAN. Sa madaling sabi, iisa lamang ang talagang kailangan upang ang ating kaugnayan sa Panginoon ay lumago at tumibay at hindi ang ano pa man. Ang pakikinig na ginawa ni Maria ay ang eksaktong diwa ng pagdedebosyon ng isang Cristiano. Kailangan natin ang pagdedebosyon sapagkat ayon sa Panginoon ito ang talagang kailangan.

Marahil ito na ang pinakamahalagang dahilan kung bakit kailangan ang pagdedebosyon. Sapagat nalalaman ng Panginoon ang magandang idudulot nito para sa ating buhay espirituwal.

PINAPAKAIN ANG ATING KALULUWA

Ang pagdedebosyon ay isa ring magandang paraan upang ang ating kaluluwa ay mapakain. Sa panahon na tayo ay nagbabasa ng Biblia at ating isinusulat ang ating narinig o natutunan mula sa Panginoon, mayroong espirituwal na pagpapala ang nagaganap sa atin, binubusog nito ang ating kaluluwa na hindi maaaring maganap sa ibang paraan. Bakit? Sapagkat ang mga natutunan natin ay nakasulat at maaari nating balik-balikan at ito’y nagpapaalaala sa atin ukol sa mga bagay na ibinulong sa atin ng Panginoon mula sa mga pahina ng kanyang Banal na Salita. Sa gayon, ang ating kaluluwa ay patuloy na magpipiyesta sa mga katotohanang ating natutunan at narinig mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Salita.

PINALALAMBOT ANG ATING PUSO

Ang panahon na inilagi ni Maria sa harapan ng Panginoon ay masasabi nating isa sa mga dakilang panahon sa buhay ni Maria. Ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa isang simple ngunit seryosong paraan ay lubhang napakamapangyarihang espirituwal. Ang mga panahon ng pakikipag-ugnayan sa kanya ay kasangkapan ng Diyos upang mapalambot ang ating puso. Walang tao na matapos makipag-ugnayan sa Diyos sa isang sapat na panahon at  sa isang seryosong paraan ang hindi lalambot ang puso. Nais lagi ng Diyos na baguhin ang puso ng tao. Bakit? Sapagkat ayon sa Biblia:

Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam? (Jeremias 17:9)

Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. (Mateo 15:19)

Nais lagi ng Diyos na baguhin at palambutin ang puso ng sinuman na lumalapit sa kanya. Ang sabi sa Ezekiel 36:26, “Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.” (Ang Biblia). Kapag tayo ay lumalapit sa kanya at nananatili sa kanya sa paraan ng pagdedebosyon, kanyang pinalalambot ang ating puso.

INILALAPIT TAYO NG HIGIT PA SA PANGINOON

Kapag lagi nating kasama ang isang tao, lalo tayong nagkakaroon ng mas malalim na kaugnayan sa kanya. Higit pa natin siyang nakikilala at lalo siyang nagiging mahalaga sa atin. Ganun din sa ating kaugnayan sa Panginoon. Mas higit tayong napapalapit sa Panginoon kapag tayo ay naglalaan ng panahon ng pagdedebosyon sa kanya. Sa katunayan, ito ang pinakamabisang paraan upang lubos tayong mapalapit sa Diiyos at higit pa natin siyang makilala. Mayroong ganitong kapangyarihan ang pagdedebosyon na hindi magagawa ng anomang gawain.

WALA O MABAGAL NA PAGLAGONG ESPIRITUWAL

Ang panahon na ating ginugugol sa piling ng Panginoon at sa kanyang Salita ay laging mayroong bunga, at ang bungang ito ay ang paglagong espirituwal. Hindi makararanas o kaya naman ay mabagal ang paglagong espirituwal ng isang Cristiano kung siya ay hindi maglalaan ng panahon ng pagdedebosyon sa Panginoon. Katulad sa pisikal na katawan na kailangang kumain ng sapat upang lumaki at maging malusog, ang ating espiritu ay kailangan din ng pagkaing espirituwal upang maging malusog at lumago. At ang pinakamabisang paraan upang ang paglagong espirituwal ay maranasan ng isang Cristiano ay walang iba kundi ang panahon ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagdedebosyon sa Diyos. Sa isang salin sa Filipino ng 1 Pedro 2:2 ganito ang ating mababasa: “Kung magkagayon, gaya ng sanggol na bagong silang, nasain ninyo ang dalisay na gatas na ukol sa espiritu upang lumago kayo” (ASND). Ang “gatas na ukol sa espiritu” ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Itinakda ng Diyos ayon sa kanyang karunungan na ang kanyang Banal na Salita ya maging kasangkapan upang ang bawat mananampalataya ay lumago sa kanilang buhay espirituwal at sa kanilang kaugnayan sa Diyos.

Hindi matatawaran ang kahalagahan ng pagdedebosyon sa ating buhay bilang mga mananapalataya. Ituturing kong pagpapatiwakal na espirituwal ang hindi pagdedebosyon sapagkat ang kawalan nito ang kadalasang ugat ng maraming problemang espirituwal mula sa pagkahumaling sa isang kasalanan hanggang sa panlalamig sa buhay espirituwal tungo sa pagtalikod sa pananampalataya.  Kaya kung mayroon man tayong unang dapat na pagsumikapan at pagbutihin sa ating buhay Cristiano ito’y walang iba kundi ang pagkakaroon ng regular at makabuluhang pagdedebosyon.

Pagpapaunlad Sa Ating Pang-araw-araw Na Pagdedebosyon

Kung ang pagtanggap o tunay na pananalig kay Cristo ay kailangan upang maligtas, ang pagdedebosyon ay kailangan upang lumago sa kaligtasang ito. Ang paglago sa kaligtasang kaloob ng Diyos ang nais niya sa bawat mananampalatayang Cristiano. Hindi nais ng Diyos na manatili tayong ligtas lamang; nais niya na makita tayong lumalago upang lalo tayong maging karapat-dapat sa kanyang mga pagpapala. Hindi natin mararanasan ang iba pang mga pagpapala ng Diyos kung tayo ay hindi uusad sa ating buhay espirituwal. At ang numero-unong kailangan sa paglago sa ating buhay espirituwal ay ang patuloy na pagdedebosyon. Ang pagdalo sa iglesia minsan o dalawang beses sa loob ng sanlinggo ay hindi sapat; kailangan ang tuluyang pagdedebosyon sa loob ng mga araw na tayo ay wala sa pagtitipon.

Ngayong taon ng 2012, napakahalagang bigyang pansin ang pagdedebosyon. Napakahalaga na baguhin natin ang ating kaisipan ukol dito. Sinasabi sa Roma 12:2, “Mag-iba (o magbago) kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.” Ang isang mahalaga at magandang pagbabago na ating dapat gawin ay ang pagbabago sa ating pagdedebosyon.

PAGBABAGO SA ATING MOTIBO AT LAYUNIN SA ATING DEBOSYON

Dapat na magkaroon ng pagbabago sa ating layunin at motibo sa ating pagdedebosyon. May mga Cristiano kasi na binabasa nila ang buong Biblia ng dalawa o tatlong beses sa loob ng isang taon (at ganyan ako noong ako ay bata-bata pa pananampalataya). Ngunit ano ang motibo at ano ang layunin? Ang motibo at layunin nila ay walang iba kundi ang makarami sila sa kanilang pagbasa. Na kanilang masasabi sa kanilang mga kasama sa iglesia, “Alam nyo ba na nabasa ko ang buong Biblia ng tatlong beses noong 2011?” Eh, ano ngayon? Nagkaroon ba ng pagbabago sa iyong buhay? Ang pagdedebosyon ay hindi paramihan ng ulit ng pagbasa sa Biblia, kundi ano ang natutunan natin mula sa Diyos na maaari nating ilapat sa ating buhay at kung tayo ba ay nalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagdedebosyon. Wala tayo sa karerahan ng pagbasa. At hindi nais ng Diyos na magkarerahan tayo sa pagbasa ng Biblia. Ang Diyos ay tumitingin sa ating puso at hindi sa dami at bilis ng ating pagbasa.

PAGBABAGO SA ATING GINAGAWA SA ATING PAGDE-DEBOSYON

Para sa marami sa atin, panahon na upang baguhin natin ang paraan ng ating pagdedebosyon. Kung ihahambing natin ang paraan ng ating pagdedebosyon sa isang computer, marami sa atin ang gumagamit pa ng Windows 95. Panahon na upang i-upgrade (o paunlarin) natin ang ating pagdedebosyon upang ito ay lalo pang magdulot sa atin ng pagbabago. At iyan ang nais ng Diyos, ang magkaroon tayo ng taos pusong pagdedebosyon na magdudulot ng pagbabago sa ating buhay. At ang isang mabisang paraan upang ito’y matamo ay walang iba kundi ang pagjo-journal o ang pagtatala ng ating mga natutunan mula sa ating mga binasa. Ngunti sino ang nag-uukol ng panahon sa pagjo-journal? Sino ang gumagawa nito? Baguhin na natin ang ating pamamaraan sa ating pagdedebosyon. Gumamit tayo ng pamamaraan na talagang mabisa at magbubukaas ng pintuan para sa higit pang paglagong espirituwal, higit pang pagkakilala sa Panginoon, at higit na pagkalapit sa Diyos.

PAGBABAGO SA ATING SALOOBIN (ATTITUDE) UKOL SA PAGEDEBOSYON

Ang lahat ng sinasabing problema at isyu ukol sa di pag-unlad sa pagdedebosyon ay nagkaugat sa ating saloobin o attitude. Kapag binago natin ang ating saloobin ukol sa pagdedebosyon tiyak na magkakaroon ito ng pagbabago. Pansinin ninyo ang isang taong ayaw kumain ng gulay. Kapag siya ay sinabihin ng doktor na ikamamatay niya ang palagiang pagkain ng karne at hindi pagkain ng gulay, nagbabago ang kanyang saloobin ukol sa pagkain ng gulay. Ganun din sa mga determinadong magpapayat ng katawan. Nagagawa nilang mag-dieta at mag-ehersisyo dahil nagkaroon sila ng pagbabago sa kanilang saloobin ukol sa pagpapayat. Kaya nga aking nabanggit sa una pa lamang ng artikulong ito na, “Mag-iba (o magbago) kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” Nasa ating saloobin o attitude ang susi sa pagpapaunlad sa ating pagdedebosyon. Kapag nagkaroon tayo ng positibong saloobin ukol sa pagdedebosyon, magkakaroon ng tayo ng uhaw at apoy sa pagsasagawa nito at magsasaliksik pa tayo kung paano ito pauunlarin. Mayroong mga Cristiano na nang kanilang maranasan ang apoy ng pagbabago ukol sa pagdedebosyon ay dalawa hanggang tatlong beses sa maghapon kung sila’y magdebosyon. Naroon ang uhaw. Sa madaling sabi, naging passionate (marurob) sila sa kanilang pagdedebosyon at pagjo-journal.

MGA DAHILAN KUNG BAKIT DI UMUUNLAD ANG PAGDEDESBOSYON

Sa kabila ng kahalagahan ng pagdedebosyon, bakit maraming matatagal (uulitin ko, matatagal) ng Cristiano ang kuntento na lamang na magbasa ng Biblia? Bakit marami ang hindi nag-u-upgrade ng kanilang pamamaraan ng pagdedebosyon? Ang unang dahilan ay KATAMARAN. Ngunit lahat tayo ay nagsasabi na mahal natin ang  Diyos. Sa katunayan, ang pagdedebosyon ay ukol sa ating relasyon ng pag-ibig sa Diyos. Dahil diyan, hindi dapat maging tamad ang isang matagal ng Cristiano sa kanyang pagdedebosyon at pagjo-journal.

Ang ikalawang dahilan ay nais gawin ang pagdedebosyon sa MABILISANG PARAAN. Maraming Cristiano ang nagsasabi na mahal nila ang Diyos ngunit tamad sa pagdedebosyon at marami ring Cristiano ang nagsasabi na nais nilang lumalim pa kay Cristo ngunit hindi makatagal sa pagdedebosyon. Nais nilang tapusin agad ang pagdedebosyon. Meron bang naghuhukay ng napakalalim na hukay na mabilisan? Ang ginto ba ay napupulot sa ibabaw ng lupa o kailangan ang matiyagang paghuhukay? Ganun din sa ating pagpapalalim ng ating kaugnayan kay Cristo at sa paghahanap ng kayaman sa Salita ng Diyos. Kailangan natin ang pagtitiyaga at paghihintay sa presensya ng Diyos. Walang maidudulot na lubhang kabutihan ang mabilisang pagdedebosyon. Nasanay tayo sa instant mami, instant coffee, instant milk, fast foods, etc, kaya maging sa ating debosyon ay gusto ng marami sa atin ang instant  o mabilisang pagdedebosyon kaya naman ang pagjo-journal ay walang puwang sa kanila. Ang bunga? Mababaw o hindi umuusad na buhay espirituwal.

Ang ikatlong dahilan kung bakit hindi umuunlad ang pagdedebosyon ng maraming matatagal ng Cristiano ay AYAW MAG-ISIP. Kinatatamaran nila ang mag-isip ng matagal. Sinasabi ng mga eksperto na sa isang dako, ang katamaran sa pag-iisip ay bunga ng mahabang oras ng panonod ng telebisyon at mga pelikula na umaaliw sa isipan ng tao. At dahil nasasanay ang isipan na maaliw, ayaw na nitong mag-ukol ng panahon na mag-isip. Ngunit kung ang dalangin natin ay nais pa nating matulad kay Cristo, dapat lamang na tumulad tayo sa kanya sa pag-ukol ng panahon na mag-isip. Sapagkat maging noong siya ay 12 years old pa lamang, si Cristo ay nag-

uukol na ng panahon na mag-isip kaya naman ang kanyang pang-unawa ay hinangaan ng marami. Pansinin ninyo: “Pagkalipas ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Siya ay nakaupo sa kalagitnaan ng mga guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. Ang lahat ng mga nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at mga sagot” (Lucas 2:46,47, ASD). Kung ang Panginoon ay hindi nag-ukol ng panahon upang mag-isip, hindi siya magkakaroon ng ganyang husay na pang-unawa. Huwag ninyong sabihin, “Pero siya ay Diyos.” Totoong siya ay Diyos, ngunit siya ay Diyos na NAGING TAO. At noong siya ay nasa lupa hindi niya pinairal ang kayang pagiging Diyos. Siya ay buong-buong tao. Kung kaniyang pinairal ang kanyang pagkadiyos habang nasa lupa, hindi siya maaaring maging halimbawa sa mga tao upang siya ay tularan.

Kapag tayo ay mag-uukol ng panahon na mag-isip ang dalangin na “Idilat mo ang aking mga mata, upang ako’y makakita ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan” (Awit 119:18) ay magkakaroon ng katuparan.

At ang ikaapat na sagabal sa pag-unlad ng pagdedebosyon ay WALANG PANAHON. Hindi katanggap-tanggap na sabihin sa Panginoon, “Panginoon, wala akong panahon sa iyo, Pansensya ka na.” Sa palagay ba ninyo’y tama na sabihin sa Panginoon ang ganoon? Alam kong lahat tayo ay hindi sasang-ayon sa ganoong pahayag sa Panginoon. Ngunit iyan eksakto ang sinasabi ng ating puso at isip kapag wala tayong panahon sa ating pagdedebosyon. Alam ng marami sa ating lahat na mas kinalugdan ng Panginoong Jesu-Cristo ang ginawang pag-upo ni Maria sa kanyang paanan upang makinig sa kanyang mga sinasabi kesa sa mga kaabalahan ni Marta (Lucas 10:38-42). Ang ginawa ni Maria ay ang eksaktong larawan ng pagdedebosyon. Sa pagdedebosyon, umuupo tayo sa kanyang harapan at nakikinig tayo sa mga sinasabi ng Panginoon sa atin. At dahil napakalahaga ng mga sinasabi niya sa atin dapat lamang na ito’y ating isulat, at iyon ang pagjo-journal.

Ito ang ating tandaan: Ang pagdedebosyon ay PERSONAL NA PANAHON natin sa ating Panginoon at dapat na ituring na lubhang napakahalaga. Ang pagpapabaya ng mga matatagal (uulitin ko, matatagal) ng Cristiano sa bagay na ito ay pagpapakita ng kawalan ng sersyoso sa kanilang kaugnayan sa Panginoon. Kung ikaw ay bagong Cristiano at nais mong magsagawa ng bagay na ito, ikaw ay kinalulugdan ng Panginoon. Sa katunayan, ito ay para sa lahat, hindi lamang sa mga matatagal na Cristiano, ngunit binibigyang diin ko ang mga matatagal ng Cristiano sapagkat sila ang dapat na sana’y umuunlad na sa kanilang pagdedebosyon. Subalit ang pag-upo sa paanan ng Panginoon ay para sa lahat ng mga nagmamahal sa kanya.

Katapangan Mula Sa Panginoon

Napakaraming matapang na tao sa ating daigdig. Kaya nga lamang, ang kanilang tapang ay hindi ginagamit sa tama. Mayroong mga taong sobrang tapang kung away at paggawa ng kalokohan  ang pag-uusapan. Mayroon din naman na ang kanlang tapang ay nagagamit sa mga gawaing pambihira o yung mga tinatawag na “extreme.” Bagamat iba’t-iba ang likas ng tapang ng bawat tao, ang mga Cristiano ay inuutusan ng Biblia na maging matapang para sa Pangalan ng Panginoon at sa anumang bagay na nauukol sa kanya. Ang isang taong na kay Cristo na ay dapat na unti-unting magkaroon ng tapang sa mga bagay na ukol sa Panginoon.

Kung ating pag-aaralan ang personalidad ni apostol Pedro, makikita natin na mayroong siyang nakakatuwang uri ng personalidad. Siya yung taong kapag kasama ng grupo ay padalos-dalos sa pagsasalita na tila bas a unang tingin ay matapang. Halimbawa, noong siya, si Santiago, at Juan ay isinama ng Panginoon sa bundok at doon ay nakita nila na nagbagong anyo ang Panginoong Jesu-Cristo (Mateo 17:1-13), siya lamang ang nagbigay mungkahi na, “”Panginoon, mabuti’t naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Mayroon kaya siyang kakayanan na gumawa ng tatlong kubol?! Sa isa ring pagkakataon, sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo ang ganito: “Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo. Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, pata- tagin mo ang iyong mga kapatid. Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!” (Lucas 22:31-33) Naks! Matapang si Pedro, hindi ba? Sa katunayan, nang sabihin ng Panginoong Jesu-Cristo: “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako’y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako’y muling mabubuhay” (Mateo 16:21) – nang sabihin ng Panginoon ang mga pananalitang iyan, ano ang ginawa ni Pedro? PINAGALITAN NIYA ANG PANGINOON! Ang sabi sa Mateo 16:22, “Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma’y hindi iyan mangyayari sa inyo.” At alam natin na siya ay sinaway ng Panginoon dahil sa kapangahasang ito. Matapang si Pedro sa pananalita at ganoon din naman sa gawa, sa katunayan siya lamang ang alagad na gumamit ng tabak at tinaga si Malco na isa sa mga Romanong kawal na dumakip sa Panginoong Jesu-Cristo (Juan 18:10). Ngunti ang tapang na ito ay hindi tapang na nagmumula sa Diyos. Ito ay tapang na bunga lamang ng kanyang pagiging padalos-dalos sapagkat iyon ang kanyang personalidad. Ang tapang na ito ni Pedro ay biglang tumiklop sa Mateo 26:69-75 nang itatwa o ikaila niya ang Panginoong Jesus ng tatlong beses.

Anong klaseng tapang mayroon tayo? Tapang sa paggawa ng mga maling bagay ngunit duwag sa paggawa ng mga tamang bagay? Tapang sa pagharap sa mga “extreme” na gawain o aktibidades ngunit duwag sa pagharap sa buhay? Tapang sa asawa ngunit duwag para sa Salita ng Diyos? Ang mga ganitong uri ng tapang ay hindi kinalulugdan ng Diyos.

Ngunit saan tayo dapat maging matapang? Nais ng Diyos na tayo ay maging matapang para sa kanya at para sa mga bagay na nauukol sa kanya, kasama rito ang pagharap natin sa mga kaganapan sa buhay natin dito lupa.

Sa panahon ngayon na ang takbo ng daigdig ay nagkakawindang-windang na, nariyan ang pag-iiba ng panahon, pagdami ng kalamidad sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig, paglaganap ng kahirapan, pagdami ng sakit na nakamamatay, at iba pa, kailangan natin ang tapang na nagmumula sa Diyos. At ang Diyos ay may pangako: “Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.” (Josue 1:9) Bagamat ito ay pangako ng Diyos kay Josue, iyan ay maaari din naman nating ilapat sa ating buhay bilang mga Cristiano sapagkat sa Hebreo 13:5,6 ay sinabi rin sa atin ng Salita ng Diyos: “‘Hindi kita iiwan ni pababayaan man.’ Kaya’t buong tapang nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” Pansinin ninyo na sinabi, “Kaya’t buong TAPANG nating masasabi, ‘Ang Panginoon ang tumutulong sa akin.’” May dahilan upang maging matapang tayo sa mga bagay na kinalulugdan ng Diyos at iyan ay sapagkat ang Diyos ay kasama natin at tumutulong sa atin.

Tayong mga Cristiano ay hindi iniligtas ng Diyos para lamang tumungo sa langit. Kung iyon lamang ang layunin ng Diyos sa kanyang pagliligtas sa atin, dapatsanatuwing mayroong maliligtas ay agad namamatay upang tumungo na sa langit. Subalit layunin ng Diyos na tayo ay kanyang magamit sa pagpapalaganap ng kaligtasan dito sa ibabaw ng lupa kung kaya’t tayo ay kanyang iniligtas Nais niya na ating ipalaganap ang ebanghelyo ng kaligtasan na mayroong tapang at kapangyarihan ngEspiritu Santo. Sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Timoteo 1:7, “Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan…” Sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin, tayo ay may tapang na isagawa ang gawain ng Diyos dito sa lupa, at pangunahin diyan ay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa bawat tao lalo na sa atin mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala. Maging matapang tayo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sapagkat ito ay kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sasampalataya (Roma 1:16). Iwaksi natin ang kaduwagan sa pagbabahagi ng ebanghelyo at sa halip ating itanim sa ating isipan na taglay natin ang Espiritu ng Diyos na siyang kasa-kasama natin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.

Kinamumuhian natin ang lahat ng uri ng kasalanan sapagkat ang lahat ng kasalanan ay walang puwang sa langit at hindi maaaring makapasok sa langit. Ngunit ang hindi natin marahil nalalaman ay ang kaduwagan ay isang uri ng kasalanan na hindi dapat taglayin ng mga Cristianong mamamayan ng langit sapagkat ayon sa Pahayag 21:8, “malagim ang kasasapitan ng mga duwag… Ang magiging bahagi nila’y sa lawa ng nagliliyab na asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.” Ang kaduwagang tinutukoy sa talatang ito ay hindi yaong pagkatakot sa masasamang espiritu o pagkatakot sa matataas na lugar o pagkatakot sa asawa. Ang kaduwagang tinutukoy dito ay ang kaduwagang kilalanin si Cristo sa harap ng mga tao. Sila yaong mga tao na dahil sa kaduwagang sila ay makantiyawan o mainsulto o pagtawanan o mausig ng kanilang mga kaibigan ay kanilang tinanggihan ang alok na kaligtasan ng Diyos. At ang ganitong uri ng kaduwagan ay hindi dapat umiral sinumang Cristiano. Ang isang Cristiano ay dapat dumating sa antas na espirituwal na handa niyang ilaan ang kanyang buhay para sa Panginoon. Hindi kailanman dapat na magkaroon ng puwang ang kaduwagan sa buhay ng isang tunay na taga-sunod ni Cristo sapagkat mayroong katapangan na nagmumula at ipinagkakaloob ang Panginoon.

Pagkatapos Ng Pasko, Ano?

Tapos na ang kaabalahan sa maraming bagay – shopping, mga party, etc. Tapos na rin ang mga “Christmas” party na may kasamang gawain na wala namang kaugnayan sa kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo. Slow down na rin ang mga mapagsamantalang negosyante at maging ang mga madurukot at mga hold-up-er.

Para naman sa iba, totoong naging malungkot ang pasko dahil sa mga sakuna at krimen na naganap sa kanila o sa kanilang mga mahal sa buhay. Ganun din naman, ang ilan sa mga nagsimbang gabi ay hindi na uli babalik sa simbahan hanggang sa sumapit na muli ang susunod na simbang gabi. Still, for others, ito yung simula ng samaan ng loob dahil hindi nabigyan o simula ng inggitan dahil mas maganda yung natanggap ng kapitbahay.

Ngunit para sa ating mga Cristiano, pagkatapos ng Pasko, ano? Gagaya ba tayo sa mga taong babalik muli sa normal na pamumuhay? Gagaya ba tayo sa ilang tao na mawawala na sa kanilang isipan ang patungkol sa Diyos? Pagkatapos ng Pasko, ano?

Tayong mga Cristiano ay mayroong isang bagay na hindi dapat malimutan, isang bagay na kaugnay sa Pasko, sa halip ay dapat na paunlarin sa ating buhay, ito ay ang katotohanan na “God is with us” o ang Diyos ay kasama  natin. Napakagandang isipin na ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay kasama natin. Bagamat ang talagang kahulugan ng katagang “God is with us” ay ang pananahan ng Diyos sa lupa kasama ng sangkatauhan o yung kanyang pagiging tao at pakikisalamuha sa tao, ito rin ay maaaring mangahulugan na kasama natin ang Diyos sa personal na paraan.

Ang pagsama ng Diyos sa atin ay hindi nangangahulugan na hindi tayo daranas ng pagdurusa. Ang Panginoong Jesu-Cristo mismo, sa kabila na kasakasama niya ang Ama sa buong buhay niya ay dumanas pa rin ng pagdurusa. Ang mga apostol at ang mga unang Cristiano ay dumanas din ng pagdurusa ngunit hindi ito nangangahulugan  na hindi nila kasama ang Diyos. Ang pagsama ng Diyos sa atin ay hindi naglilibre sa atin mula sa anumang hapdi sa buhay.

Ang pagsama ng Diyos sa atin ay hindi rin nagbibigay garantiya na hindi tayo daranas ng pagdududa sa kanyang pag-iral. Noong taong 2008 habang ako ay nasa Fraser Park dito sa aming lugar at nakaupo sa isang bench, nakadama ako ng isang matinding pakikibaka laban sa pagdududa tungkol sa pag-iral ng Diyos. Dahil sa aking pagbubulay sa mga pangyayari sa daigdig at sa mga kahirapang dinaranas ng maraming tao, naitanong ko sa aking sarili kung mayroon nga bang Diyos na umiiral. Ang aking isipan ay tila ba nakukumbinsi na na ang paniniwala sa Diyos ay isang kahibangan lamang. Ngunit pinaglabanan ko ang kaisipang iyon. Ako’y tumayo mula sa aking pagkakaupo ay lumakad sa gitna ng parke at tumingala sa langit at aking sinabi sa Diyos: “Lord, I choose to believe in you.” Matapos kong bigkasin ang mga katagang iyon ang puso’t ispan ko ay pumayapa. At ang karanasang iyon ang simula ng mas malalim kong kaugnayan sa Espiritu Santo. Pagkalipas ng ilang lingo, naranasan ko ang kapuspusan ng Espritu Santo sa aking buhay na hindi ko pa naranasan mula ng ako’y maging Cristiano. Makalipas ang ilang araw matapos ang aking karanasan sa Fraser Park na iyon, nabasa ko sa isang aklat na maging ang batikang Ebanghelista na si Billy Graham ay nakaranas din ng pagdududa sa Diyos subalit pinili rin niya ang maniwala at manalig sa Diyos. Si apostol Thomas din ay dumanas ng pagdududa sa Panginoong Jesu-Cristo. Kaya, ang pagsama ng Diyos sa atin ay hindi garantiya na hindi tayo daranas ng pagdududa sa kanya. Subalit kung dumanas man tayo nito, dapat natin itong pagalabanan at piliin ang manalig pa rin sa Diyos.

Sa kabila ng katotohanan at pangako na kasama natin ang Diyos, ang mga pangit at mapapait na karanasan ay hindi mawawala ngunit unti-unti itong napapagtagumpayan at ang epekto nito sa ating buhay ay unti-unting napapawi. Higit pa diyan, ang pagsama sa atin ng Diyos ay nangangahulugan na hindi niya tayo pababayaan. Maraming Cristiano ang may maling pang-unawa ukol sa katagang “hindi tayo pababayaan ng Diyos.” Marami ang nag-iisip na ang ibig sabihin nito ay hindi tayo daranas ng sakuna, kahirapan, pagdurusa, sakit, aksidente, etc. Mali ang ganitong pang-unawa ukol sa katagang “hindi tayo pababayaan ng Diyos.” Ang ibig sabihin ng katagang ito ay sasamahan tayo ng Diyos sa gitna ng mga hapdi, kahirapan, sakuna, sakit, etc. Ang biyaya ng Diyos ay sapat sa atin sa bawat usad ng ating buhay. Ang Diyos ay mayroon laging nakalaan na biyaya na siyang sasama sa atin sa anumang karanasan mayroon tayo ngayon. Hindi tayo libre mula sa mga pangit na pangyayari sa mundong ito kung paano ang Panginoong Jesu-Cristo, ang mga apostol, at ang mga unang Cristiano ay hindi nalibre mula sa pagdurusa na dinanas nila noong kanilang kapanahunan. Subalit kung paano naging sagana ang biyaya ng Diyos na nagbigay lakas sa kanila upang harapin ang lahat ng pagdurusa at hapdi sa kanilang buhay, gayun din naman, ang biyaya ng Diyos ay laging sagana para sa atin upang tulungan tayong harapin ang mga bagyo sa ating buhay. Sa ganitong paraan tayo hindi pinababayaan ng Diyos at sa ganito ring paraan kasama natin ang Diyos.

Dahil ang Immanuel ay isinilang na at dahil dito ang Diyos ay kasama natin, ito’y nagbibigay rin ng paanyaya na kilalanin natin ng lubos ang Diyos. Ang pagsama ng Diyos sa atin ay hindi lamang ukol sa kung anong mga blessings ang maaari nating matanggap mula sa kanya. Hindi lamang tayo dapat mag-focus doon sa katotohanan na hindi niya tayo pababayaan, kundi sa halip ang katotohanan na siya ay kasama natin ay maging isang opportunity na kilalanin natin siya ng lubusan. Kaya nga ang pagparito ng Messias ay isang paanyaya sa atin na makilala pa natin ang Diyos ng lubusan.

Gayun din, dahil ang pangalang “Immanuel” ay nagsasaad ng pagiging kasama natin ang Diyos, dapat lamang na talagang isama natin ang Diyos sa bawat bahagi ng ating buhay. Sa pagpili ng mapapangasawa, sa pagpili ng trabaho, sa ating paglalakad, sa ating kalungkutan, sa ating kasiyahan, sa ating kabiguan, sa ating tagumpay, sa lahat ng mga ito at sa marami pang bagay at gawain natin sa buhay ating isama ang Diyos sa lahat ng ito.

Ito ang hindi natin dapat na malimutan pagkatapos ng Pasko, na ang Diyos ay kasama natin sa anumang oras at saan mang lugar at siya ay laging nariyan upang tayo ay samahan anuman ang ating kinakaharap sa buhay.

Ang Tunay Na Pagpapala Ng Pasko

Ang isa sa mga tunay na pagpapala ng Pasko ay ang PAG-ALAALA NG DIYOS SA KANYANG BAYAN. Hindi dahil sa nalimutan ng Diyos ang bayang Israel, kundi sa punto de vista ng mga Judio, sila ay nalimutan na ng Diyos at ang kapanganakan ni Cristo ay ang pag-aalaala ng Diyos sa kanila.

Sa napakatagal na panahon, humigit-kumulang sa 400 taon, ang Diyos ay hindi nangungusap sa bansang Israel kahit na sa anong paraan. Sinasabi sa Hebreo 1:1 na “Noong una, nangusap ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.” Subalit pagatapos ni propeta Malakias, ang Diyos ay tila ba nanahimik sa loob ng 400 taon. Kaya’t sa isip ng mga Judio, sila ay nalimutan na ng Diyos. Ngunit ang Diyos ay tapat sa kanyang tipan sa kanila kaya’t sila’y kanyang inalala at kanyang tinupad ang kanyang pangako na kanyang isusugo ang Mesias.

Hindi ba’t totoong nagdudulot ng kasayahan at kagalakan kapag mayroong nakakaalala sa atin. Halimbawa, sa loob ng 10 taon hindi ka nakakarinig sa isang kaibigan at biglang-bigla sa iyong kaarawan ay naalala ka niya? Hindi ba’t ito’y nagdudulot ng galak?

Ang isa sa mga tunay na pagpapala ng Pasko ay hindi ang mga regalo o aginaldo na ating natanggap o matatanggap. Ang isa sa mga tunay na pagpapala ng Pasko ay ang PAG-ALAALA NG DIYOS SA ATIN na hanguin tayo mula sa kasalanan. Kaya naman ang pag-alaala ng Diyos sa atin ay isang tunay na pagpapala sapagkat sa pamamagitan nito dumating ang tulong mula sa langit.

Ngayong Pasko, huwag nating kalimutan ang mga taong nangangailangan ng tulong. Alalahanin natin, sa anumang paraan, ang mga kababayan nating nangangailangan lalo na ang napinsala ng Bagyong Sendong. Iabot natin ang ating mga kamay sa kanila sapagkat ganito ang ginawa ng Diyos noong unang Pasko – kanya tayong inalaala at iniabot ang kanyang kamay sa atin.

Ang isa pang tunay na pagpapala ng Pasko ay ang KALIGTASANG MULA SA DIYOS PARA SA LAHAT NG TAO. Hindi pa ninyo nararanasan ang tunay na Pasko kung kayo ay hindi pa nakaranas ng kaligtasang idinulot ng Pasko. Maaaring naranasan nyo ang mga tinatawag na excitement ng kapaskuhan tulad ng mga party, shopping, bagong damit, at iba pang mga panandaliang kasayahan. Ngunit ang isa sa mga tunay na pagpapala ng Pasko ay ang kapatawaran ng ating kasalanan at kaligtasan ng ating kaluluwa.

Ang kaligtasan ng sangkatauhan ang nais ng Diyos para sa kapanganakan ng Mesias. Hindi isinugo ng Diyos Ama ang kanyang Anak upang aliwin ang mga tao o hatulan ang mga tao. Kanyang isinugo ang kanyang Anak upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at sa kaparusahan nito. Ito ang dakilang pagpapala ng Pasko.

Ngayon, hindi ba’t marapat lamang na ating ibahagi ang pagpapalang ito sa ibang tao? Hindi ba’t dapat lamang na ang kaligtasan ay maranasan din ng ibang tao? Subalit paano nila mararanasan ang kaligtasang ito? Walang iba kundi sa pamamagitan natin at iyan ay hindi lamang sa pagbabahagi o pangangaral natin ng ebanghelyo, kundi sa pamamagitan din ng paggawa ng mabuti at pagtulong sa ating kapwa.

Minsan ang mga pangangaral natin ay hindi nagiging epektibo sa ibang tao sapagkat mas nais nila ang personal at makatotohanang pagpapakita natin ng puso ni Cristo. Ngayong Pasko o kaya ay sa Bagong Taon, ating ipadama ang puso ni Cristo sa ibang tao. Ang personal na pagpapadama natin ng puso ni Cristo sa ibang tao ay kailangan nating isagawa upang maging personal ang ating paglingap sa kanila.

Ang isa pang tunay pagpapala ng Pasko ay ang PRESENSYA NG DIYOS SA KANYANG MGA ANAK. Sa Mateo 1:23 ay mababasa natin ang ganito: “Tingnan ninyo; ‘Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.’ ” (Ang kahulugan nito’y “Kasama natin ang Diyos”.)

Noong panahon ng Lumang Tipan, ang Diyos ay hindi nananahan sa lupa na kasama ng tao. Sa halip, mayroong itinakda na lugar ang Diyos upang siya ay makatagpo, hindi ng lahat ng tao, kundi ng mga punong saserdote lamang. Pili lamang ang mga taong pinagpapakitaan at kinakausap ng Diyos. At kung siya’y mayroong sasabihin sa bayan ng Israel, ito ay sa pamamagitan ng mga propeta.

Ngunit nang magkatawang tao ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo, siya ay nanahan sa piling ng sangkatauhan. At nang si Cristo ay umakyat na muli sa langit, kanyang isinugo ang Espiritu Santo upang maging “paracletos” na isinalin bilang “Mang-aaliw” ngunit ang orihinal na kahulugan ay “tinawag upang maging kasama.” At simula noon, ang presensya ng Diyos ay nananahan na sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ang pangako na “Immanuel” ay hindi lamang limitado noong si Cristo ay nasa lupa kundi ito ay pinalawak pa mismo ng Panginoong Jesu-Cristo nang kanyang isugo ang Espiritu Santo na siyang kasa-kasama natin ngayon. Kung wala ang Pasko, walang pagpapala ng presensya ng Diyos sa atin ngayon. Mayroon pa bang hihigit na kagalakan sa kagalakang dulot ng presensya ng Diyos sa ating buhay. Sabi nga ng isang Awit: “In your presence there is fullness of joy.” Masaya ba ang Pasko ninyo? Hanggang kalian ang kasayahang ito? Ang kasayahang dulot ng presensya ng Diyos ay walang hanggan. Kaya ang IMMANUEL o ang PAGSAMA NG DIYOS SA ATIN ang ating higit na pagsumakitan.

Iwasan nawa natin ang pagdiriwang ng Pasko na hindi nakasentro sa Panginoong Jesu-Cristo at sa kanyang layunin ng pagparito sa daigdig bilang isang sanggol. Sa halip, maging totoo nawa ang diwa ng Pasko sa ating buhay hindi lamang ngayon kundi sa mga Pasko pang darating.