Pagiging Katiwala Ng Diyos

Kadalasan kapag pinag-uusapan ang paksa ukol sa pagiging katiwala, ang ating isipan ay natutuon sa pananalapi – paano pangangasiwaan ang ating sa salapi at kung paano dapat magbigay sa gawain ng Diyos. Ang ukol sa pananalapi ay isang bahagi lamang ng ating responsibilidad bilang mga katiwala ng Diyos. Ang pagiging katiwala ng Diyos ay higit pa sa kung paano tayo magbibigay sa Diyos at kung paano natin pangangasiwaan ang salaping ibinibigay sa atin ng Diyos.

Ang konsepto ng pagiging katiwala ay nagmula sa prinsipyo na mayroong nagmamay-ari ng mga bagay at inilagay ng may-aring ito ang isang tao upang pangasiwaan ang kanyang mga pag-aari. Sa ganitong diwa tayo ay mga katiwala ng Diyos. Tayo ay ginawang katiwala ng May-ari ng lahat ng bagay.

Kahit na tayo ang nagtataglay ng isang bagay o tayo ang nagpapakahirap upang makamtan ito, ang totoo wala talaga tayong maituturing na atin. Ang lahat ng bagay dito sa sansinukob ay sa Diyos. Ating mababasa sa Awit 24:1 ang ganito: “Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.” Sa katunayan, ang talatang iyan ay nagsasabi rin na tayo mismo ay pag-aari ng Diyos. Ang ating buhay mismo ay mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang nagmamay-ari ng lahat, tayo ay maituturing na mga katiwala lamang. Tayo ay may tungkuling pangasiwaan ang anumang bagay na inilagay ng Diyos sa ating mga kamay. Narito ang ila sa mga dapat nating pangasiwaan.

KALIGTASAN (o Buhay Espirituwal). Dahil ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos sa atin, inaasahan niya na ito ay ating pahahalagahan at iingatan. Sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos.” (2 Corinto 6:1). Ang ating kaligtasan ay dapat na pahalagahan at pangasiwaan ng maigi. Sa katunayan, ito ay dapat na palaguin. Sinabi ni apostol Pedro, “Gaya ng mga sanggol, manabik kayo sa dalisay na gatas espirituwal, upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo sa inyong karanasan ng kaligtasan.” (1 Pedro 2:2, FSV). Mayroon tayong responsibilidad na pangalagaan at palaguin ang ating kaligtasan o buhay espirituwal kung paano may tungkulin tayo na ingatan ang ating katawang pisikal.

KATAWAN. Sa 1 Corinto 6:19-20 si Apostol Pablo ay nagsabi ng ganito: “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya’t gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.” Ang ating katawan ay hindi atin ayon sa Salita ng Diyos. Ito ay sa kanya kaya marapat lamang na ito ay ating ingatan at pangasiwaan ng wasto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga bagay na may kaugnayan sa wastong kalusugan at lalo’t higit sa lahat, ang paglayo sa seksuwal na kasalanan, sapagkat ang seksuwal na kasalanan ay pagkakasala laban sa sariling katawan (6:18) na siyang templo ng Espiritu Santo (6:19).

Ang sobrang pagkain, pagpupuyat, pagpapakapagod, pagkakaroon ng mga bisyong nakasisira sa katawan, at katamaran ay hindi nakabubuti sa ating katawan na siyang templo ng Espiritu Santo. At bilang mga katiwala ng templong ito, dapat nating iwasan ang mga ganitong gawain.

ORAS. Maraming tao (kasama na ang mga Cristiano) ang nagsasayang ng napakaraming oras. May kasabihan na “Time is gold.” At iyon ay totoo. Napakahalaga ng bawat sandali. Isipin ninyo na kung ang bawat minuto ay may katumbas na halaga ng salalpi, maaaring milyong piso ang sinasayang natin sa loob ng isang taon. Totoo na sa mga taong tamad at walang ginagawa sa buhay, hindi nila nakikita ang kahalagahan ng bawat oras. Ngunti tayong mga Cristiano ay hindi dapat na magsayang ng oras sa buhay na ito. Pahalagahan at pangasiwaan natin ang ating oras. Gamitin natin ang bawat sandali sa ating buhay sa mga bagay na magbibigay lugod sa Diyos. Hindi ito nangangahulugan na ang tanging gagawin natin ay puro panalangin, Biblia, pagsamba, at iba pang gawaing espirituwal. Ibig ko lamang sabihin na maging balanse tayo sa paggamit natin ng ating oras. Dapat na mayroon tayong sapat na panahon para sa ating kaugnayan sa Diyos, panahon sa sariling pag-unlad, panahon sa pamilya, panahon sa iglesia, panahon sa paglilibang, panahon sa paglilinang ng kaisipan, at sa iba pang mahahalaga at makabuluhang bagay. Ang oras ay di-tulad ng salapi na maaaring ipunin sa isang alkansya o bangko na kapag kailangan natin ng extra na dalawang oras para sa isang araw ay makakakuha tayo dito. Ang bawat tao ay pinagkalooban lamang ng Diyos ng 24 oras sa loob ng isang araw sa bawat sanlinggo (24/7). Kapag ang oras ay lumipas na, hindi na ito maaaring maibalik, ni hindi tayo makakahiram o makakautang kaninuman ng extra oras para ating magamit. Ang mabuting katiwala ng Diyos ay pinangangasiwaan ang kanyang oras.

SALAPI AT ARI-ARIAN. Ang pangangasiwa ng ating salapi ay itinuturo ng Biblia. Ang halimbawa nito ay mababasa natin sa Mateo 25:14-30. Nais ng Diyos na maging matalino tayo sa pangangasiwa ng ating salapi at ari-arian. Ang ating ari-arian ay HINDI TOTOONG ATIN kaya nga ito ay “ari-arian” lamang sapagkat ito ay hindi totoong atin (para bang baril-barilan o bahay-bahayan🙂 na hindi talaga totoo). Ang salapi at ari-arian natin ay sa Diyos pa rin at dapat na magamit sa ikaluluwalhati niya. At ang isang itinuro sa atin ng Diyos sa kanyang Salita upang siya ay mabigyang lugod natin sa pamamagitan ng ating salapi at mga ari-arian ay ang magbigay sa kanyang gawain na may kagalakan. Ang sabi ni Apostol Pablo sa 2 Corinto 9:7, “Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan.”

Hindi masama ang bumili ng mga bagay para sa ating sarili kung tayo ay nasa posisyon o may kakayanan na gawin ito, since it is God “who richly supplies us with all things to enjoy” (1 Tim 6:17). Ngunit kung dahil sa pagbili natin ng mga bagay-bagay ay hindi tayo nakapagbibigay sa Diyos, tayo ay hindi nagiging mabuting katiwala ng Diyos.

Dapat din na maging handa tayo na ipagamit para sa kaluwalhatian ng Diyos ang anumang ari-arian natin. Ibig sabihin, hindi tayo dapat na maging maramot na ipagamit ang ating mga kagamitan kung ang paggagamitan ay isang makabuluhang bagay. Sa kabilang dako, alam din natin na mayroon tayong tungkuling ingatan ang mga ari-arian na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.

Ang pagiging katiwala natin ay hindi lamang sa mga material na bagay tulad ng salapi at ari-arian, tayo ay katiwala ng Diyos sa maraming aspeto ng buhay. Kung tayo nga ay marunong humawak ng ating salapi at nakapagbibigay tayo ng sapat sa gawain ng Diyos at mahusay nating napapangasiwaan ang ating mga ari-arian ngunit hindi naman natin nabibigyang pansin ang paglagong espirituwal o kaya naman tayo ay abusado sa ating katawan o di kaya’y nagsasayang ng oras sa mga bagay na walang kabuluhan, masasabi ba nating tayo ay mahusay na mga katiwala? Ang layunin ng Diyos sa paglalagay niya sa atin bilang kanyang mga katiwala ay ang pagkakaroon ng maayos, balanse, matagumpay, at nakalulugod na pamumuhay sa kanyang harapan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s