Mag-ibigan Tayo Sa Isa’t-isa

Sa 1 Juan 4:7-8, sinabi ni Apostol Juan ang ganito: “Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”

Bagamat ang salitang “pag-ibig” ay halos gasgas na sa pandinig ng maraming tao at nabigyan na rin ng iba’t-ibang pakahulugan, ang diwa ng tunay o biblical na pag-ibig ay nananatili pa ring makapangyarihan. Sa katunayan, ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan ang siyang pinakamapangyarihang impluensya sa ibabaw ng lupa. At ito ang pag-ibig na nais ng Diyos na isagawa natin sa isa’t-isa. Ngunit paano nga ba tayo mag-iibigan sa isa’t isa?

Ang Diyos mismo ang nagbigay sa atin ng magandang halimbawa kung paano tayo mag-iibigan sa isa’t isa. Sa Roma 5:8 sinabi sa atin ni Apostol Pablo ang ganito: Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa. Noong tayo’y makasalanan mayroon ng ginawa ang Diyos upang maipadama kanyang pag-ibig sa atin, at iyon ay ang pagsugo sa kanyang Anak upang mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan. Sa madaling sabi, tayo ay dapat na mag-ibigan sa isa’t-isa kahit na mayroon tayong pagkukulang sa isa’t-isa. Hindi kailangang mawala muna ang mga kapintasan ng ating mga kapatiran bago natin sila ibigin. Sapagkat ang Diyos mismo ay nagpakita na ng kanyang pag-ibig sa atin NOONG tayo ay mga makasalanan pa.

Kaugnay sa katotohanang iyan ay ang pagpapatwad. Tayo ay pinatawad ng Diyos sa lahat ng ating kasalanan dahil tayo ay iniibig niya. Gayun din naman, kung tayo ay mag-iibigan sa isa’t-isa, dapat din na tayo ay magpatawaran sa isa’t-isa. Ang sabi ng Biblia, Magpasensiya kayo sa isa’t isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. (Col 3:13). Ano ang ibig sabihin ng magpatawad? Ang ibig sabihin nito ay kalimutan kung ano ang nagawang masama sa atin ng ating kapatid o kung tayo man ay nasaktan ng ating kapatid. Sa puntong ito nais kong linawin na ang pagpapatawad at pag-ibig ay hindi nangangahulugan ng pagpapababaw sa diwa ng kasalanan. Ang kasalanan ay nananatiling napakasama sa mata ng pag-ibig at kapatawaran. Sa katunayan, ang tunay na pag-ibig ay namumuhi sa kasalanan. Ito ang dahilan kung kaya’t hindi maaaring pag-ibig lamang ang dapat na pairalin ng Diyos para sa atin; kinakailangan ding mamatay si Cristo sa krus bilang kabayaran ng ating mga kasalanan. Samakatuwid, walang tunay na pag-ibig kung walang tamang pagharap o pagkompronta sa kasalanan. Tayo ay dapat na magpatawad ngunit kailangan din na disiplinahin ang nagkakasala at higit lalo sa lahat, ingatang mapanatili ang kabanalan ng iglesia. Hindi natin maaaring palabnawin ang kasamaan ng kasalanan sa pangalan ng pag-ibig.

Hindi lamang sa pagpapatawaran nakikita ang pag-iibigan sa isa’t-isa, ito rin ay nakikita sa pagtutulungan sa isa’t-isa. Ngunit paano tayo magtutulungan sa isa’t-isa? Una, alamin natin ang pangangailangan ng isa’t-isa. Pangalawa, ipanalangin natin ang isa’t-isa sa kaniya-kniyang pangangailangan. Madalas lahat tayo ay mayroong pangangailangan kaya ang pinakamabisang paraan ng pagtutulungan sa isa’t-isa ay ang pananalangin para sa isa’t-isa. At pangatlo, kung kaya nating mag-abot ng pisikal o material na tulong, gawin natin ito. Ang ginagawa natin sa atin kapatid ay ginagawa natin para sa Diyos.

Kaugnay sa pagtutulungan ay ang pagbibigayan. Ang mga Cristianong nag-iibigan sa isa’t-isa ay nagbibigayan. Ngunit mayroong mga Cristiano na masayang nagbibigay sa iglesia ngunit maramot sa kapatiran. Ano ang dahilan ng ganitong kaisipan o attitude? Ang dahilan ay ang maling pananaw na kapag nagbibigay sa iglesia ito ay IBINABALIK ng Diyos ng “siksik, liglig, at umaapaw.” Eh ano nga ba ang mapapala sa pagbibigay sa isang kapatid? Ibabalik ba sa akin ng “siksik, liglig, at umaapaw” ang ibinigay k okay brother o kay sister? Ngunit wala ang pag-ibig sa ganitong uri ng kaisapan. Subalit ang pagbibigay mula sa puso sa isang kapatid na nangangailangan ay isang kapahayagan ng pagsunod sa utos ng Diyos na mag-ibigan sa isa’t-isa.

Ang pagpapaubaya ng ating karapatan ay isa ring pagpapakita ng pag-ibig. Karapatan ng Diyos na tayo ay kanyang parusahan. Dahil siya ay isang makapangyarihan at makatarungang Diyos, mayroon siyang karapatan na tayo ay kanyang parusahan. Ngunit hindi ito ginawa ng Diyos. Sa halip, kanyang ipinagpaubaya ang kanyang karapatang ito sapagkat mahal niya tayo. Gayun din naman, maaari nating ipadama ang ating pag-ibig sa ating kapatiran sa pamamagitan ng pagpapaubaya paminsan-minsan ng ating karapatan. Ibig sabihin, ating tingnan ang kapakanan ng iba at hindi lamang ang ating kapakanan. Itanong natin sa ating sarili, “kung gagawin ko ang bagay na ito, masasaktan ko ba ang aking mga kapatid?” O kaya naman itanong natin, “kung igigiit ko ang aking karapatan, ito ba’y makabubuti sa buong iglesia?” Dapat nating matutunan na paminsan-minsan ay ipagpaubaya natin ang ating karapatan. Sapagkat sa pagpapaubaya ng ating karapatan tayo ay natututo ng tinatawag na “sacrificial love.” Para mong sinasabi na, “Mahal kita kaya magtitiis muna ako” o “Mahal kita kaya pagbibigyan ko ang iyong gusto.” Kapag mayroong ganitong uri ng pag-ibig, ang pagkakaisa sa iglesia ay madaling nagaganap.

At panghuli, ang pag-iibigan sa isa’t-isa ay nangangahulugan ng pagtanggap sa isa’t-isa. Ano man siya o sino man siya, siya ay tatanggapin natin dahil sa pag-ibig. Kung paano tayo tinanggap ng Diyos ay ganun din dapat nating tanggapin ang ating mga kapatiran anuman ang kanilang lagay sa buhay. Walang puwang sa Katawan ni Cristo at sa Kaharian ng Diyos ang namumuhi o napopoot sa kanyang kapatid: Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. (1 Juan 3:15) Ikaw ba’y mayroong lagin kinaiinisan o kinamumuhiang kapatid? Hindi iyan ang dapat na damdamin tungo sa isang kapatid kay Cristo. Pag-ibig ang dapat. Walang saysay ang ating pag-bigkas ng “I love you, Lord” kung tayo ay walang pag-iibigan sa isa’t-isa. Tandaan natin ang sinabi sa 1 Juan 4:20, Ang nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?

Mag-ibigan tayo sa isa’t-isa sapagkat ito ang nakalulugod sa Diyos at ito ang tanda ng tunay na mga taga-sunod ni Cristo. Kapag taglay natin ang pag-ibig sa isa’t-isa mas makikilala ng iba na tayo nga ay mga anak ng Diyos.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s