Paano Mararanasan Ang Diyos?

Minsan sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo sa kanyang mga alagad na huwag silang mabalisa sa kanyang pag-alis patungo sa bahay ng Ama. Sinabi niya sa kanila, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama ko kayo upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.”

Dahil sa pagkakasabing iyon, nagtanong sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot ang Panginoon, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”

Bagamat ang talata 6 ay ang nangangahulugan ng pagtungo sa lugar na kung saan naroroon ang Ama at kung saan doon maghahanda ng lugar si Jesus para sa mga alagad, ito rin ay maaaring tumukoy sa pagkakilala sa Ama, sapagkat sa talata 7 sinabi niya, “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.” Sa madaling sabi, walang ibang paraan upang makilala at maranasan ang Ama kundi sa pamamagitan ni Cristo.

Upang maranasan ang Ama sa buhay ng isang tao kinakailangan niyang kilalanin si Cristo bilang tanging daan tungo sa Ama. Sa katunayan, sinabi na ni Cristo na, “Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Mayroon lamang NAG-IISANG daan tungo sa Ama at upang maranasan ang Ama. Kasinungalingan ang sinasabi ni Oprah Winfrey na maraming daan tungo sa Diyos (http://www.godtube.com/watch/?v=GYGLWNNX). Iisa lamang ang daan tungo sa Ama at upang maranasan ang Ama at iyan ay tiniyak ni Cristo. Ang sabi ni Cristo, “Ako ang daan…” Maliban na lumapit ang isang tao kay Cristo LAMANG, hindi niya mararating at mararanasan ang Diyos sa kanyang buhay.

Si Satanas ay ama ng kasinungalingan. Marami siyang ipinakikilala at iniaalok sa tao para paniwalaan upang hindi makilala at maransan ng tao ang Diyos. Ganyan ang ginawa niya sa mga unang magulang natin kung kayat nawala ang kaugnayan nila sa Diyos. Inalok ni Satanas si Eba na kumain ng bunga na ipinagbabawal sa kanila ng Diyos, ngunit sinabi ni Eba kay Satanas na hindi nila maaaring kainin ang bunga ng puno na nasa gitna ng hardin sapagkat sa oras na kainin nila ang bunga nito sila ay mamamatay. Ngunit sinabi ni Satanas kay Eba, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo’y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.” (Genesis 3:4,5) Ang kasinungalingan ni Satanas ay naging makapangyarihan sa puntong iyon kaya’t si Eba at Adan ay nahulog sa pagkakasala at bunga nito ay ang pagkawala ng kanilang karanasan sa Diyos. At hanggang sa ngayon napakaraming tao pa rin ang hindi nararanasan ang Diyos sa kanilang buhay bagamat alam nila na siya ay umiiral. Iyan ay dahil sa paniniwala sa kasinungalingan ni Satanas. At walang ibang paraan upang makalaya sa napakalaking kasinungalingang iyan at makapanumbalik sa Diyos kundi ang kilalanin ang katotohahan. Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo, “Ako… ang katotohahan…” Siya ang Katotohanan na wawasak sa kasinungalingan na nagkukuta sa madilim na kaluluwa ng isang tao. Nang dumating si Cristo sa daigdig “siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.” (Juan 1:14) At sa Juan 8:32 sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo, “Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Mapapalaya tayo ng katotohanan mula pagkabilanggo sa madilim na kasinungalingan at ang kalayaang ito ay kalayaan tungo sa pagkakaroon ng personal na pagkakilala at kaugnayan sa Diyos.

Ang ibinubunga ng mga kasinungalingan ni Satanas sa buhay ng isang tao ay kamatayan – kamatayang espirituwal. Ang kamatayang esprituwal ay ang pagkahiwalay ng tao mula sa Diyos. Dahil sa kamatayang ito, nawala ang pagkaranas ng tao sa Diyos. Nawala ang kanyang kaugnayan sa Diyos. Nawala ang kanyang koneksyon sa Diyos, sapagkat hindi maaaring magkaroon ng koneksyon sa Diyos ang sinuman na walang buhay espirituwal na taglay ng Diyos. Ang tanging nag-uugnay sa atin sa Diyos ay ang buhay na espirituwal o buhay na walang hanggan. At walang ibang makagagawang iugnay tayo sa Diyos kundi ang buhay na alok ni Cristo. Ang sabi niya, “Ako… ang buhay…” At sa Juan 6:47 kanya ring sinabi, “Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan.”

Ang buhay na walang hanggan na alok ni Cristo ay nag-uugnay sa atin sa Diyos at dahil dito siya ay nararanasan natin. At wala ng karanasan na hihigit pa sa personal na karanasan sa Diyos. Ito ang pinakamataas at pinakadakilang karanasanan sa lahat. Ito ang karanasan na bumabago ng buhay ng isang tao. Mula sa madilim at magulong pamumuhay siya ay nagkakaroon ng maningning at maayos buhay. Nararanasan niya ang buhay na puspos ng pag-ibig at kapayapaan. Ito rin ang naghahatid sa kanya tungo sa mas mataas na antas ng buhay kung saan ang kanyang pananaw sa buhay ay mas malawak at puno ng kagalakan at pag-asa dahil ang sentro ng lahat ay si Cristo.

Walang ibang paraan upang maranasan ang Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo na siyang Daan tungo sa Ama at siya ring Katotohanang nagpapalaya mula sa kasinungalingang bumibilanggo sa atin sa kadiliman at siya ring Buhay na nag-uugnay sa Ama. Na kay Cristo ang susi upang makalapit at maranasan natin ang Ama na lubos na nagmamahal sa atin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s