Maging Mapagbantay Sa Panahon Ng Kasamaan

Ang takbo ng ng ating kapaligiran ay hindi bumubuti sa paglipas ng panahon; sa halip, lalong lumalala ang kasamaan. Kung gaano kabilis ang pag-unlad sa maraming bagay ang ating lipunan, tila ganoon ding kabilis o higit pa ang paglaganap ng kasamaan sa ating paligid. Isang kabalintunaan na ang paggamit ng buong karunungan ng sangkatauhan ay nauuwi sa pagiging talamak ng kasamaan sa ating daigdig na ginagalawan. Ang pagdami ng mga kaso ng rape, pagpatay, pag-kidnap, imoralidad, karahasan, at marami pang iba ay hindi lamang humahamon sa buhay espirituwal ng isang Cristiano, kundi ito rin ay nagdudulot ng banta sa kanyang buhay espirituwal. Mula sa mga panahon ng pagkakasulat ng mga Banal na Kasulatan hanggang sa ating pangkasalukuyang panahon, ang kasamaan ay patuloy na lumalala. Dahil diyan, sina Apostol Pablo at Apostol Pedro ay nagbigay paalala sa atin nang kanilang isulat ang mga ito: “Kaya’t ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti” (Efeso 5:15,16). “Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8).

Huwag nating isipin na sapagkat tayo’y mga born gain na o Cristiano na, ang pagsama ng panahon ay hindi  maka-aapekto sa ating buhay. Ang Panginoong Jesu-Cristo na rin ang may sabi, “Lalaganap ang kasamaan anupat manlalamig ang pag-ibig ng marami” (Mateo 24:12). Sinabi rin ng Espiritu Santo na “sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya” (1 Timoteo 4:1). May mga Cristiano na natangay na ng kasamaan ng panahon. Dati-rati’y mga masisipag na naglilingkod sa Diyos na buhay, ngunit ngayon ay tila kaaway pa ng pananampalatayang Cristiano. Maaaring ang iba’y hindi naniniwala na maaaring tumalikod sa pananampalataya ang isang tunay na Cristiano. Ngunit sa aking pagkaunawa sa isinulat ni Apostol Pablo sa 1Timoteo 4:1at sa nasusulat sa Hebreo 3:12 na nagsasabi, “Mga kapatid, ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa talikdan ang Diyos na buhay,” ay tila may posibilidad na maakit ng kasamaan ang isang Cristiano at pagkatapos ay tumalikod sa Diyos na buhay. Ganoon pa man, maaari man o hindi na siya’y mawalan ng pananampalataya at tumalikod sa Diyos na buhay, ang totoo’y may idinudulot na panganib ang pagsama ng panahon sa buhay ng isang Cristiano, isa na rito ang panlalamig sa kanyang relasyon sa Diyos.

Dahil din sa pagsama ng panahon, ang pamumuhay na banal ng isang Cristiano ay maaaring maapektuhan, sapagkat ang iwinawagayway na bandera ng ating panahon ngayon ay ang paglayo mismo sa kabanalan. Muli si Apostol Pablo ay sumulat: “Tandaan mo ito: mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw. Ang mga tao’y magiging makasarili, gahaman sa salapi, palalo, mayabang, mapang-alipusta, suwail, sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Bukod dito, magiging malupit sila, walang habag, mapanirang-puri, mapusok, marahas, at mamumuhi sa mabuti. Hindi lamang iyan, sila’y magiging taksil, walang taros, palalo, at mahilig sa kalayawan sa halip na sa mga bagay na ukol sa Diyos.” (1 Timoteo 3:1-4). Napakaraming “basura” sa ating paligid, at hindi literal na basura ang aking tinututukoy, kundi ang mga malalaswang pangitain na araw-araw ay bumubusog sa mga mata ng mga taong mahahalay. Nang tayo’y maging Cristiano, hindi tayo naging mga “superman” na kayang labanan ang lahat. Kung hindi tayo mag-iingat, maging sa loob ng iglesia na siyang tanging inaasahan ng Diyos na magpalaganap ng kabanalan, ay maaari ring masumpungan ang mga kasalanang nakikita natin sa makasalanang sanlibutang ito.

Ngayon, ano ang dapat nating gawin yamang ang pagsama ng panahon ay maaaring makaapekto sa ating buhay bilang mga Cristiano? Una, kailangan nating maging committed sa ating pananampalataya. Ibig sabihin ay matatag, matibay, at patuloy tayong sumusunod at naglilingkod sa Panginoong Jesu-Cristo anuman ang mga nangyayari sa ating buhay. Ang buhay na mahigpit na nananalig kay Cristo ay mahirap ibuwal. Subalit hindi lahat ng Cristiano ay mayroong ganitong commitment. May mga nagsasabi na sila ay committed sa Panginoon subalit ito’y makikita sa uri ng kanilang paglilngkod sa Kanya at sa Kanyang iglesia. May bentahe ang mga may ganitong uri ng relasyon sa Panginoon – mananatili silang nakatayo sa kabila ng pagsama ng panahon.

Ikalawa, upang tayo’y hindi magapi ng pagsama ng panahon dapat nating puspusin ang ating isipan ng mga bagay na espirituwal. Katulad ng ipinayo ni Apostol Pablo sa mga taga-Colosas, “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa” (3:2). Ang kalakasan ng ating espiritu ay naroon sa mga bagay na espirituwal. Ang isang naipanganak na sa espiritu ay nangangailangan ng sapat na dami ng pagkaing espirituwal. Ang isang Cristiano na kulang sa mga bagay o gawaing espirituwal ay mas madaling mahumaling sa kasalanan at mas madaling matukso ng mga alok ng sanlibutan. Kaya ang pagpupuspos sa ating isipan ng mga bagay na espirituwal ay hindi lamang mabuti, kundi talagang kailangan. Dahil dito, dapat tayong mag-ukol ng sapat na panahon sa pag-aaral ng banal na Kasulatan, sa panalangin, sa pagsamba, sa pakikiisa sa mga mananampalataya, at sa iba pang gawaing espirituwal.

At pangatlo, kailangan nating sanayin ang ating sarili sa kabanalan upang tayo’y manatiling matatag sa kabila ng pagsama ng panahon. Ibinilin ni Apostol Pablo kay Timoteo ang ganito: “Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang kabuluhan; sa halip, magsanay ka sa kabanalan.      May mapapakinabang sa pagsasanay ng katawan, ngunit higit ang pakinabang sa pagsasanay sa kabanalan…” (1 Timoteo 4:7,8). Yamang ang takbo ng panahon ay papalayo sa tunay na kabanalan, ang isang Cristiano ay dapat na sanayin ang kanyang sarili tungo rito. Dapat na mag-ukol siya ng malaking panahon sa ikababanal ng kanyang buhay kung paano siya nag-uukol ng panahon upang siya ay mabuhay. Hindi niya dapat sayangin o aksayahin ang kanyang panahon sa mga bagay na walang kabuluhan; sa halip, gamitin niya ang lahat ng pagkakataon upang makagawa ng mabuti at magdulot ng espirituwal na kabusugan sa kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng pagbabsa ng Banal na Kasulatan, pananalangin, pagbubulay-bulay, at iba pa. Dapat niya ring matutunan ang pagtanggi sa sarili ukol sa anumang hinihingi nito na sa palagay niya’y makapanghihina ng kanyang pamumuhay sa kabanalan.

Ang mundo ay patuloy sa pagtuklas kung paano  pauunlarin ang teknolohiya at iba pang larangan sa daigdig, nararapat lamang din na ang mga Cristiano ay magpatuloy na magsanay sa kanilang sarili upang labanan ang kasamaan.  Totoong mahirap labanan ang kasamaan, subalit kung alam ng isang Cristiano kung paano magbantay sa kanyang sarili sa panahon ng kasamaan, hindi siya panghihinaan ng loob at hindi siya basta-basta maibubuwal ng kaaway.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s