Ang Katapusan Ng Daigdig

Marami at iba’t-ibang uri ng kaganapan ang nagaganap sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Ang lindol na naganap sa New Zealand noong Feb 22, 2011 at sa Japan nitong nakaraang araw (Mar 11, 2011), ang mga kaguluhan sa Gitnang Silangan, ang karahasan sa iba’t-ibang panig ng daigdig, at ang pagsama ng tao ay tanda ng daigdig na hindi bumubuti sa paglipas ng panahon at maraming tao ang totoong nagkakaroon ng takot sa kanilang puso dahil sa mga kaganapang ito. Mabuti sana kung alam natin kung anong klaseng kalamidad o malagim na kaganapan ang darating at kung ano ang eksaktong araw at oras ng pagdating nito upang sa gayun ay ating mapaghandaan ito. Ngunit ito ay imposible. Sa katunayan, hindi natin alam kung ano ang magaganap bukas. Wala tayong hinagap man lamang kung ano ang susunod na kaganapan pagkatapos ng lindol sa Japan. Magkaroon kaya ng digmaan sa Gitnang Silangan? Ang Filipinas kaya ang susunod na lilindulin? Huwag nawang mangyari.

Sa pagmumuni-muni ko ukol sa mga kaganapang ito, mayroong magkahalong damdamin akong nadama. Sa isang dako ay ang pag-aalala. Hindi para sa aking sarili kundi para sa iba lalo na para sa mga maliliit na bata; para sa kanilang kinabukasan. Mga batang lubhang limitado ang pang-unawa sa mga kaganapang tulad nito na ang tanging naisin sa pagmulat ng kanilang mga mata sa umaga ay ang makalabas ng bahay at makipaglaro sa kanilang mga kaibigan at magsimula ang tawanan at halakhakan. Tiyak ako na ang pangyayari sa Japan ay nagdulot ng kakaibang umaga para sa maraming bata roon. Marahil ang iba sa kanila ay gigising sa isang umaga na wala na ang kanilang mga magulang na kumakalinga sa kanila sa araw-araw o wala na ang kanilang mga kaibigan na kasakasamang lumalakad tungo sa paaralan. Sa kabilang dako, naroon din ang udyok ng pag-asa na sa kabila ng kaganapang ito ay mayroong Diyos na masasandigan.

Nahipo ang aking puso nang mapanood ko sa 24 Oras ang interview sa isang matandang babae na lubos-lubos ang pasalamat sa Diyos sapagkat ang inaaasahang tsunami na sasalpok sana sa mga dalampasigan sa Timog-Silangang bahagi ng Filipinas ay hindi nangyari. Cristiano man o hindi ang matandang babaeng ito ay labas sa aking kaalaman. Ngunit ang kanyang pasasalamat sa Diyos ay dama kong mula sa kanyang puso. Naroon pa rin ang pagkilala sa Diyos. Naroon pa rin ang paniniwala na ang Diyos ang may kontrol ng lahat.

Higit lalong dapat na ang mga Crsitiano ay magpakita ng tunay na pagitiwala at pagsandig sa Diyos sa mga ganitong pangyayari sapagkat tayo ang mga kumikilala, sumasamba, nagpupuri, dumadalangin, at kinikilalang mga anak niya. Kaya naman marapat lamang na tayo ang magpalaganap ng damdamin ng pag-asa sa ibabaw ng daigdig na ito anuman ang maging kaganapan. Totoo, na maaaring hindi tayo paniwalaan ng ibang tao. Mayroon nga akong naging kaibigan na isang mabait na Scottish ngunit hindi siya naniniwala sa Diyos. Ang kanyang dahilan ay marami daw kasamaan at di magagandang pangyayari sa daidig para siya ay manilawa na mayroong Diyos. Sa madaling sabi, siya ay maaari lamang makumbinsi na mayroong Diyos kung walang kasamaan at di-magagandang pangyayari sa daigdig. At totoong ang isang malupit na  kalamidad ay maaaring mag-siklab ng dadamin upang maniwala sa Diyos at maaari ding pumatay ng pananalig sa Diyos. Hindi ipinangako ng Diyos ang buhay na walang pagdurusa at kalamidad, ngunit nangako siya ng kalakasan sa oras ng ating kahinaan (2 Corinto 12:9) upang harapin ang mga ganoong bagay at nangako rin siya na tayo ay sasamahan niya at di niya pababayaan ni iiwan man (Hebreo 13:5b). Lagi nating tingnan si Jesu-Cristo. Ang “kalamidad” na dumating sa kanya – ang kanyang walang kapantay na pagdurusa at kamatayan sa krus – ay maging bukal na pagkukunan natin ng lakas ng loob sa tuwing mayroong kalamidad na dumarating sa ating buhay. Si Cristo ang ating “idol” o modelo sa pagharap sa mga kalamidad sa ating buhay. Siya ang ating inspirasyon upang matatag tayong makatayo laban sa balak ng kaaaway na itumba o pabagsakin tayo tuwing mayroong kalamidad na dumarating sa atin.

Bagamat marami na tayong kalamidad na nakita at marahil ay naransan, hindi magtatagal, ang mga kalamidad sa ibabaw ng mundo ay magwawakas din. Darating ang kahulihulihang “kalamidad” sa ibabaw ng lupa. Ang sabi sa 2 Pedro 3:10, “Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.” Magaganap ang katapusan ng daigdig sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo. At tayong mga Cristiano ay naghinihintay sa araw na iyon sapagkat iyon ang simula ng Bagong Langit at Bagong Lupa. Sinabi sa talata 13, “Naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran, sapagkat ganoon ang kanyang pangako.Ito ang pinananabikan ng bawat tunay na Cristiano at ito ay darating sa ayaw man o sa gusto ng buong sangkatauhan. Ito ay isang katotohanan na hindi natin maiiwasan.

Ang mga malulupit na kalamidad sa ating panahon ay hindi maipapantay sa kahuli-hulihang “kalamidad” na darating sa daigdig. Dahil dito, binigyan tayo ng payo kung paano tayo dapat mamuhay: “At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madaling dumating ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init.” (2 Pedro 3:11,12) Ang pagdating ng katapusan ng daigdig ay dapat na mag-udyok at magturo sa atin upang mamuhay tayo ng may kabanalan at pagiging maka-Diyos. Ito ang nais na Makita ng Diyos sa atin. Sa katunayan, ang malupit na kalamidad na nangyari sa New Zealand at Japan at sa ibang dako ng daigdig ay DAPAT NA MAGSILBING PAALAALA sa atin na mayroong kahuli-hulihan at pinakamalupit na “kalamidad” (at iyon ay ang katapusan ng daigdig) na darating at sa gayon ay DAPAT TAYONG MAMUHAY NA MAKA-DIYOS AT MAY KABANALAN. Sa madaling sabi, huwag lang tayong mahabag at manalangin para sa mga naapektuhan ng mga pangkasalukuyang kalamidad bagamat iyon ay lubhang marapat, sa halip, tuwing may mga ganitong pangyayari sabihin din natin sa ating sarili na, “Ipinapaalaala sa akin ng Diyos sa pamamagitan ng mga kaganapang ito kung paano ako dapat mamuhay.”

Higit lalo nating paigtingin ang ating pananampalataya at pag-ibig sa Panginoong Jesu-Cristo at higit nating bantayan ang ating pamumuhay sapagkat may darating na mas malupit na kaganapan sa sansinukob at iyon ay ang katapusan ng daigdig. At kapag tayo ay may malalim na pag-ibig sa Diyos wala tayong dapat na ikatakot o ipangamba, sapagkat ang takot ay napaparam kapag mayroong pag-ibig. Ang sabi sa 1 Juan 4:18, “Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s