Ang Landas Tungo Sa Paglago

Ang buhay Cristiano ay tulad sa isang paglalakbay. Minsan ay maganda at maayos ang ating paglalakbay at kung minsan naman ay may mga aberyang nagaganap. Minsan naman, para sa iba, napapaiklii ang kanilang paglalakbay at kanilang natatamo ang paglagong esprituwal sa mas mabilis na paraan. Minsan sa iba naman ay napapahaba ang kanilang paglalakbay at ang paglagong esprituwal ay di nagaganap sa paglipas ng maraming taon. Iyan ay sapagkat may mga balakid sa kanilang espirituwal na paglalakbay o paglago.

Naalala ko noong Mayo 1999 nang  kami ay nagtungo sa bahay nina kapatid na Myrna sa Sorsogon. Napahaba ang aming paglalakbay patungo roon na inabot kami ng labing-walong oras (kung di ako nagkakamali) sapagkat nalampasan namin mas maikling daan.  Kasama na roon ang paminsan-minsang pagtigil sa paglalakbay dulot ng mga ilang aberya sa sasakyan ni Kapatid na Ben.

Sa ating paglalakbay sa ating buhay Cristiano, minsan ay nakakaligtaan natin ang mas maikli o mas epektibong pamumuhay upang mas mapadali ang ating paglago. O kaya naman ay maraming aberya o sagabal sa ating paglalakbay sa buhay Cristiano.

Hindi ko nais ipakahulugan na ang paglagong esprituwal ay madali lamang. Walang madali kung buhay kay Cristo ang pag-uusapan. Kung paanong hindi naging madali para kay Cristo ang tubusin tayo mula sa pagkaalipin mula sa kasalanan, hindi rin madali ang lumago sa   pagsunod sa kanya. Ngunit ang paglagong ito ay maaaring mapabilis kung handa lamang tayo na suungin ang landas na ito na kinabibilangan ng seryoso at dedikadong pamumuhay kay Cristo.

Noong ako’y bata pa, mayroong malaking puno ng duhat sa bukid sa libis. Mayroong dalawang landas kaming dinaraanan patungo roon. Ang isa ay ang talagang daan tungo roon na malapit sa bukana ng “boxculvert”. Ito ang maginhawang daan tungo sa puno ng duhat. Ang isa naman ay ang pagbaybay sa isang landas bago lumampas sa isang puno ng sinigwelas at susuong sa ilang kakahuyan tungo sa isang puno ng sampalok at lalabas sa tapat na mismo ng puno ng duhat. Hindi madali ang sumuong sa mga kakahuyang yaon. Sapagkat minsan sa itaas ng puno ng sampalok ay nakita namin ang ilang mga ahas na naglulundagan.Parasilang mga sirkero na nagpapalipat-lipat sa mga sanga ng puno ng sampalok. Iyon ang maikling daan ngunit hindi dinaraanan ng karamihan. Mga batang matatapang at dedikado sa kanilang gawain lamang ang dumaraan doon.

Nais kong sabihin na ang maikling daan tungo sa paglagong esprituwal ay hindi madaling tahakin at bibihira lamang ang tumatahak doon at sila yaong mga dedikado sa kanilang buhay espirituwal sapagkat ang landas na iyon nangangailan ng determinasyon at disiplina. Subalit ang bawat Cristiano na naglalakbay sa landas na yaon ay tunay ngang nakararanas ng mabilis na paglago at pagbabago sa kanilang buhay. Aanhin natin ang madaling landas kung ang ating buhay Cristiano naman ay hindi nakikitaan ng bunga sa mahabang panahon ng ating paglalakbay; bagkus panay aberya ang nangyayari.

Marahil ang dahilan kung bakit nasabi ng Panginoong Jesu-Cristo na ang sinumang nagnanais na sumunod sa kanya ay kailangang magpasan ng krus (Lucas 9:23) ay sapagkat totoong kinakailangan ang pagtitiis at pagtitiyaga upang lubos na makasunod sa Panginoon. Bagamat hindi natin kailangang magpasan ng totoo o literal na krus, ang pagtitiis at pagtitiyaga sa pagsasagawa ng mga bagay na kinakailangan sa paglilinang ng buhay espirituwal ay dapat nating harapin ng may buong determinasyon at dedikasyon. At yaong mga nagsisigawa ng kanilang disiplina sa pagbabasa at pag-aaral ng Biblia, pananalangin, pagdalo sa pananambahan, at pagsambang personal ang siyang tumatanggap ng kaukulang bunga ng kanilang pagtitiyaga at pagtitiis. Alam kong madalas ay mayroong pakikibaka kapag ating isinasagawa ang mga gawaing ito. Subalit iyon nga ang dahilan kung bakit hindi madali ang landas na ito bagamat iyon ang maikli at mabilis na paraan upang lumago. Sa aklat ng Hebreo ay makikita natin ang damdamin ng Diyos ukol sa paglagong naantala. Sinabi ng manunulat ng Hebreo sa tulong ng Diyos Espiritu Santo:  Dapat sana’y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo’y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng salita ng Diyos. Ang dapat sana sa inyo’y matigas na pagkain, ngunit hanggang ngayon, gatas pa ang inyong kailangan. (Hebreo 5:12).

Dalawang uliy niyang binaggit ang mgat katagang “dapat sana.” Naantala ang kanilang paglago sapagkat hindi nila tinahak ang landas tungo sa paglago na bagamat may kahirapan ngunit ito ang mabilis at mabisang paraan ng paglago sa buhay Cristiano. Tandaan natin, hindi nalulugod ang Diyos kapag ang ating paglago sa buhay Cristiano ay naaantala. Mabilis ba ang ating paglago o may kabagalan? Maaari natin itong mapabilis basta maging determinado, dedikado, at disiplinado lamang tayo sa mga gawaing espirituwal para sa kabutihan ng ating kaluluwa.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s