Kamatayan Tungo Sa Muling Pagkabuhay

Maraming tao sa iba’t-ibang panig ng daigdig ang gumunita sa kamatayan ng Panginoong Jesu-Cristo bagamat dito sa Britanya ay hindi lubos na ginugunita ang kanyang kamatayan. Totoong isa ang Filipinas na mayroong makulay, madamdamin, at sabihin na nating madugong paggunita sa kamatayan ng Panginoong Jesu-Cristo. Madugo dahil sa mga nagpipinitesnya at nagpapapako sa krus. At ngayong Pasko ng Pagkabuhay (Resurrection Sunday), mas marami pa ang bilang ng mga tao na gugunita sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesu-Cristo, bagamat sa iba ang pagdiriwang ay nahahaluan na ng mga gawaing walang tuwirang kinalaman sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesu-Cristo ay napakahalagang katuruan sa buong Cristianismo. Ang sabi nga, “The resurrection is the cardinal doctrine of Christianity. Everything we believe and hold sacred stands or falls on the fact of the resurrection.” Kung si Cristo ay hindi nabuhay mag-uli, walang buhay ang Cristianismo ngayon. Ito’y matutulad lamang sa ibang relihiyon tulad ng Buddhism, Islam, at iba pa.

Ang katotohanan ukol sa muling pagkabuhay ni Cristo ay hindi lamang napakahalaga para sa Cristianismo mismo, kundi ito’y napakahalaga rin sa buhay ng bawa’t isang Cristiano sapagkat ang muling pagkabuhay ni Cristo ang siyang kapangyarihan sa pagkakaroon ng bagong buhay ng bawat taong sumampalataya sa kanya. Sa madaling sabi, kung wala ang muling pagkabuhay ni Cristo, wala ring bagong buhay na mararanasan ang isang Cristiano. Ngunit upang maranasan ng bawat Cristiano ang lubos na pagpapala ng muling pagkabuhay ni Cristo, sila rin ay kailangang makaranas ng kamatayan. Ngunit anong uri ng kamatayan?

Upang lubos na maranasan ng isang Cristiano sa kanyang buhay ang pagpapala ng muling pagkabuhay ni Cristo kinakailangan muna siyang mamatay sa kanyang sarili. Si Apostol Pablo ay nagsabi ng ganito sa Roma 6:6, “Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan.”  Hanggat tayo ay nananatiling buhay sa ating sarili o sa ating lumang pagkatao, hindi natin mararanasan ang lubos na pagpapala ng muling pagkabuhay ni Cristo, samakatuwid baga’y ang lubos na kalayaan mula sa pagkaalipin mula sa kasalanan tungo sa isang buhay na lubos na kalugod-lugod sa Diyos. Sinabi niya sa Roma 6:5, “Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay.” Anu-ano ang mga praktikal na paraan ng pagkamatay sa sarili? Ang isa rito ay ang pagturing sa sarili na mas mababa kesa sa iba. Buhay na buhay ang ating sarili kung ito’y nasasaktan kapag ito’y natataasan ng iba. Subalit ang sarili na hindi na nagre-react kahit ito’y maungusan o mataasan ng iba ay maaaring sabihing patay na. Sa madaling sabi, ang ego o “self” ay higit na nakikitang buhay kapag ang pride ay umiiral pa. Ang kapasyahan ni Cristo na mamatay sa krus ay isang larawan ng kawalan ng pride sa sarili, sapagkat ang ganoong uri ng kamatayan noon ay para lamang sa mga kriminal. Bagamat wala siyang kasalanan kanyang tinanggap ang ganoong uri ng kamatayan na maglalantad sa kanya sa napakalaking kahihiyan.

Kaugnay pa rin sa sarili, tayo ay ay kinakailangang mamatay sa pagiging makasarili. Sagabal ang pagiging makasarili sa ating pagkaranas ng pagpapala ng muling pagkabuhay ni Cristo. Dapat tayong mamatay dito. Dapat nating simulang gawin na magbahagi sa iba, at kung ang ating sarili ay nagpo-protesta na gawin ang ganito, huwag natin itong pakinggan sapagkat ito ang mabisang paraan upang ito’y patayin. Ang pagiging maramot at makasarili ay isang uri ng pagkaalipin na nagdudulot ng iba pang pagkaalipin sa atin tulad ng lubos na pagkagalit sa kapwa, di pagpapatawad, at kawalan ng pakialam sa ibang tao. Dapat tayong mamatay mula sa ganitong uri ng buhay at muling bumangon sa panibagong buhay na dulot ni Cristo.

Ang pagnanais na makilala ng ibang tao dahil sa ating katalinuhan o kakayanan ay isa ring aspeto kung saan dapat tayo ay mamatay. Ito ay maliwanag na inilalarawan sa atin sa ating pakikipag Facebook. Ano ang ibig kong sabihin? Ang ibig kong sabihin ay ito: Wala tayong makikita sa Facebook na nagpopost na sila ay bumagsak sa Grade 6 o sa high school o sa board exam. Ang madalas na nakikita natin ay ang nakakuha ng valedictorian at iba pang mga medalya at honors. Bakit? Sapagkat ayaw nating malaman ng iba na tayo ay “bagsak” o bigo. Nais nating makilala tayo ng iba sa pagiging “magaling” na estudyante. Nais nating makilala tayo ng ibang tao sa ating katalinuhan at kagalingan at iyan ay isinasapubliko natin ngunit hindi ang ating mga failures at kahihiyan. Dapat tayong mamatay sa ganitong saloobin. Huwag nating pakanin at alagaan ang ating self o sarili ng mga ganitong saloobin. Sa halip, patayin natin ang ating sarili mula sa mga ganitong kaisipan at saloobin. Hindi ko sinasabing mali ang magkaroon ng mga medalya o honors, ngunit ang pagnanais natin na makilala tayo ng publiko dahil sa ating kakayanan ang siyang mali sapagkat ito’y nagpapataba sa ating ego (o sarili).

Dahil ako ay lumaki na kulang ang makaamang atensyon (fatherly attention), nagkaroon ako sa aking personalidad ng saloobin o attitude na bigyang lugod ang mga nasa aking paligid kaya naman naging saloobin ko ang maging kilala at ito ay hindi malusog na personalidad. Sapagkat ako na walang kakayanan ay nagnanais na maging kilala. Ako’y parang isang isda na nagnanais na maging kilala bilang isang agila. At ito’y hindi nakatulong sa aking personalidad. Sa madaling sabi, ang ego ni Egay ay nabugok! Ngunit natutunan ko ng sabihin ang tulad ng sinabi ni Pablo, “Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo” (Filipos 3:8) Walang mahalaga sa akin ngayon kundi ang bigyang lugod si Cristo at kung kamatayan man ang kapalit nito, malugod kong gagawin para sa kanya.

Hindi kaginhawaan ang mithiin ng mga Cristianong lumalago kay Cristo, kundi kamatayan sa kanilang sarili tungo sa panibagong buhay. Kung paano ang isang binhi ay kailangang mamatay muna bago maging isang malaking puno muli, tayo ay kailangang mamatay sa ating sarili upang muling magkaroon ng panibagong buhay na mas higit na nakalulugod sa Diyos. At ang ganitong buhay ay isang pagpapalang dulot ni Cristo bunga ng kanyang muling pagkabuhay. Nais ni Cristo na pagpalain tayo ng ganitong uri ng buhay, isang buhay na lubos na kalugod-lugod sa Diyos, kaya nga lamang kailangan nating mamatay muna sa ating sarili upang tayo ay mabuhay na muli sa panibagong uri ng buhay.

Ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Cristo ay hindi natatapos sa isang Sunrise Service o Easter Service. Ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Cristo ay dapat na magsilbing paalaala sa atin na kailangan tayong mamatay sa ating sarili at muling mabuhay sa isang uri ng buhay na lubos na kinalulugdan ng Diyos.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s