Pamumuhay Ng Banal Sa Gitna Ng Mundong Makasalanan

Hindi kaila sa marami sa atin na ang mundong ating ginagalawan ay patuloy na lumulubog sa kasalanan at kasamaan sa paglipas ng panahon kung paano patuloy ang pag-unlad ng karunungan ng tao. Bagamat walang tuwirang kinalaman ang pag-unlad ng karunungan ng tao sa paglubog ng sangkatauhan sa kasalanan, masasabi natin na tila nagagatungan ng makamundong talino at karunungan ang paglaganap ng kasalanan. Habang tumitibay ang makamundong karunungan ng tao, mas lalo silang naninindigan sa kasalanan at lalo silang nagiging malaya na magpasya na gawin ang isang bagay kahit ito ay labag sa kalooban ng Diyos. Isang halimbawa rito ay ang nangyari sa katatapos na Church of Scotland General Assembly noong Mayo 23, 2011. Sa pagtitipong ito, ang isa sa mga isinagawa ay ang pagboto kung pahihintulutan ng Church of Scotland ang pagtatalaga ng mga ministrong bakla at tomboy sa kanilang mga iglesia local. Nakalulungkot sapagkat nagwagi ang boto pabor sa pagtatalaga ng mga bakla at tomboy na ministro sa mga iglesia. Bagamat hindi lahat ay sang-ayon sa pasyang ito, mas nakararami ang may kagustuhang pahintulutan ang ganitong bagay sa buong Church of Scotland.

Sa ating bansa ay tila ba pina-uusapan din ng mga mambabatas ang pagpapahintulot na ikasal ang dalawang lalaki o dalawang babae (same sex marriage). Sa kabila ng pagtalino ng mga tao sa daigdig, kanila ng nilalapastangan ang kalooban ng Diyos.

Ngunit huwag tayong mabilis na humusga. Maaaring tayo rin ay nalalagay sa isang kalagayan na taliwas sa kabanalan ng Diyos. Bagamat ako’y naniniwala na ang iglesia ay hindi tagapagbantay ng moralidad ng lipunan, ang iglesia ay dapat na mamuhay at magpakita ng pamumuhay na may kabanalan. Kaya ang tanong, “Eh ano kung ang Church of Scotland ay mag-ordain ng mga baklang ministro?” “Eh ano kung ipasa sa Kongreso at sa Senado ang batas na nagpapahintulot na ipakasal ang dalawang lalaki o dalawang babae?” “Eh ano kung lumaganap ang kalaswaan sa lipunan dahil sa ito ang gusto ng mga tao at ng lipunan?” Ikaw na isang Cristiano, tungkulin mo ba ang magprotesta laban sa mga ganyang pagkilos? Hindi. Hindi mo tungkulin na magprotesta laban sa kanila. Ang tungkulin mo ay mamuhay ka sa kabanalan SA KABILA NA MAY MGA GANITONG PANGYAYARI sa lipunan. Tungkulin mo ang sundin ang kalooban ng Diyos at manindigan para sa kanya. Tungkulin mo ang pagliwanagin ang iyong ilaw sa kanilang harapan sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa kanila sa kabila na sila ay gumagawa ng mga bagay na labag sa kalooban ng Diyos. Tungkulin mo na ibahagi ang pagmamahal ni Cristo at ang ebanghelyo ng kaligtasan sa kanila. Hindi natin mababasa sa Biblia na si Jesus o si Apostol Pablo ay nanawagan sa mga Cristiano na kundinahin o hatulan ang mga nasa labas ng iglesia. Sa 1 Corinto 5:12,13 sinabi ni Apostol Pablo,  “…wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Hindi ba’t ang mga nasa loob ng iglesya ang dapat ninyong hatulan?Ngunit nanawagan si Pablo sa mga Cristiano na mamuhay sa kabanalan (2 Corinto 7:1). Ang pagiging banal ay hindi ang pagmamartsa sa kalye laban sa kasalanan ng sanlibutan o ng senado o ng kongreso. Ang pagiging banal ay hindi ang pagpoprotesta laban sa mga sugalan at mga beerhouse. Ano ang pagiging banal? Ang wika ni Apostol Pablo, “Mga minamahal, sapagkat ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos” (2 Corinto 7:1). Samakatuwid, ang pagiging banal ay ang paglilinis o pag-aalis (kasama na ang paglayo) sa mga bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu. Sa komentaryo ni Adam Clarke sa talatang iyan, ganito ang kanyang sinabi, Walang kaduda-duda na ang ipinapakahulugan ni Apostol Pablo dito ay ang paglalasingan, kahalayan, pangangalunya, at lahat ng uri ng kasalanan na ginagawa ng tuwiran laban sa katawan; at ukol naman sa mga nagpaparumi sa ating espiritu, ito ay ang maruming pagnanasa, maruming pag-iisip, at ang pagdudungis sa ating imahinasyon.” Ngunit hindi na kailangan ng isang Cristiano na gumawa ng napakalaki o napakabigat na kasalanan upang hindi mamuhay sa kabanalan. Kahit na “maliit” na kasalanan lamang kung ito’y laging ginagawa tulad ng pagiging pikon, mainitin ang ulo, pagsisinungaling, pambubulyaw, pagkagalit, etc. ang mga ito’y hindi ugma sa kabanalan. Sabi nga ni Santiago, “…ang galit ay hindi nakakatulong upang ang tao’y maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” (1:20)

Ngayon, paano ba ang mamuhay sa kabanalan? Kung ikaw ay isang Cristiano na seryosong nagnanais na mamuhay na may kabanalan, ikaw ay dapat purihin sa napakaganda at makadiyos na hangaring iyan. Ngunit hindi ka makapamumuhay o hindi ka lalago sa kabanalan kung ito’y gagawin mo sa sarili mong lakas o paraan lamang. At hindi nagpabaya ang Diyos sa bagay na ito. Siya ay nagkaloob sa atin ng lahat ng ating kailangan upang makapamuhay ng banal sa kanyang harapan kaya wala rin tayong maidadahilan. Sa 2 Pedro 1:3 mababasa natin ang ganito: “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo’y mamuhay na maka-Diyos.”

Una, kailangan mo ang Espiritu Santo at ang kanyang kapuspusan sa iyong buhay. Isang kahibangan ang hangarin ang mamuhay na may kabanalan ngunit hindi na nagbibigay halaga sa Espiritu Santo at sa kanyang gawain buhay ng isang Cristiano. Maliban na siya ay seryosohin ng isang Cristiano, ang antas ng kabanalang na nais ng Diyos para sa Cristianong iyon ay hindi niya maabot. Walang ibang makatutulong sa atin ng lubhang malaki ukol sa pamumuhay kabanalan kundi angEspiritu Santosapagkat siya ang Espiritu ng Kabanalan (Roma 1:4). Pangalawa, kailangan mo ang Salita ng Diyos. Hindi lamang gumagabay ang Biblia sa ating pamumuhay tungo sa kabanalan, kundi ito rin ay tumutulong mismo sa pagpapabanal sa atin. Mayroong kapangyarihan ang Salita ng Diyos na linisin ang ating mga espiritu o kaluluwa sa tulong Espiritu Santo. Sinabi ni Cristo sa Juan 17:17, “Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng iyong katotohanan. Ang iyong salita ay katotohanan.” May dulot na kabanalan ang Salita ng Diyos sa buhay ng isang mananampalataya. Kapag puspos ng Salita ng Diyos ang isip ng isang Cristiano, ang kanyang buhay ay umaayon sa ganoong lagay ng kanyang isipan. Pangatlo, ang walang patid na pananalangin ay dapat mong isinasagawa. Kapag ang ating diwa ay laging nasa Diyos, tayo ay mas may kakayanan na mamuhay na may kabanalan kesa sa pamumuhay na lumilipas ang buong maghapon na ang tanging oras na ibinigay natin sa Diyos ay ang 15 minutong pagdedebosyon. Dapat nating matutunan na manalangin ng walang patid (1 Tessalonica 5:17). At pang-apat, sanayin natin ang ating sarili sa kabanalan. Ibig sabihin, sanayin natin ang ating sarili na tanggihan ang mga bagay na hindi sang-ayon sa kabanalan. Totoong sa una ay tila ba mahirap ito, ngunit walang pagsasanay na madali. Sa kabilang dako, kung ang ating kaugnayan sa Espiritu Santo ay malapit (close), hindi lubhang mahirap ang sanayin ang sarili na tanggihan ang anumang bagay na taliwas sa banal na pamumuhay sapagkat mayroon tayong pagkukunan ng lakas at kakayanan.

Hindi imposible na mamuhay ng banal sa gitna ng mundong makasalanan. Alam ng Diyos ang ating kalagayan at alam rin niya na sapat ang biyaya niya para sa atin. Ang kailangan lamang natin ay laging hanapin ang mukha ng Diyos at ang pakikiisa ng Espiritu sa ating buhay upang maging lubos ang ating kapangyarihan na makapamuhay ng banal sa gitna ng makasalanang sanlibutan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s