Ang Kagandahang-loob Ng Diyos: Huwag Lapastanganin

Bilang mga mananampalataya sa ilalim ng panahon ng kagandahang-loob ng Diyos, marapat na tayo ay nakatali sa katuruan ng Biblia ukol sa kagandahang-loob ng Diyos. Wala ng ibang katuruan sa Biblia ang hihigit pa sa katuruan ng kagandahang-loob ng Diyos kung ang kalagayan ng tao sa harap ng Diyos ang pag-uusapan. Sinasabi sa atin ng Biblia ang ganito: “Sapagkat inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao” (Tito 2:11). Ang Diyos mismo ang umaksiyon upang ang tao ay maging katanggap-tanggap sa kanyang harapan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, ang bawat tao na mananalig ng taos-puso sa Panginoong Jesu-Cristo ay kikilalanin ng Diyos bilang matuwid.

Subalit ang kagandahang-loob ng Diyos ay hindi lamang nauukol sa kaligtasan ng tao. Ito rin ay nauukol sa kanyang pamumuhay matapos siyang maligtas. Sa madaling sabi, ang biyaya o kagandahang-loob ng Diyos ay sapat para sa buhay espirituwal ng bawat Cristiano sapagkat ang sagabal sa pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos ay nabuwag na sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos. Hindi na kailangan ng tao na sumunod sa anumang uri ng kautusan upang maging katanggap-tanggap sa mata ng Diyos, ang tanging kailangan lamang ay ang tunay na pananalig kay Cristo at iyon ay sapat na upang magkaroon ng isang makabuluhang kaugnayan sa Diyos ang isang taong makasalanan.

Ngunit bagamat naresolbahan na ang problema ng tao ukol sa kasalanan dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, ang iglesia ay hindi nakaligtas mula sa ilang problema dulot ng katuruan ukol sa kagandahang-loob ng Diyos. May mga Cristiano na hindi makakawala sa Kautusan ni Moises kahit na iyon ay hindi para sa kanila, dahil dito ang kagandahang-loob ng Diyos ay napipintahan ng ibang kulay. Mayroon din naman na bumabatikos sa katuruan ng kagandahang-loob ng Diyos dahil ito raw ay nag-aanyaya ng maluwag na pamumuhay Cristiano. At mayroon pang mga nagsisipag-isip na ang kagandahang-loob ng Diyos ay maaaring magamit bilang lisensya sa makamundong pamumuhay.

Ang totoo, ayon sa Salita ng Diyos, ang kagandahang-loob ng Diyos ay hindi maaaring mag-anyaya ng maluwag na pamumuhay ni hindi maaaring gamitin bilang linsensya para sa makamundong pamumuhay. Nang ituro ni Apostol Pablo ang katuruan ukol sa kagandahang-loob ng Diyos, kanya ring itinuro na ang kagandahang-loob ng Diyos ang “siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos” (Tito 2:12). Hindi dahil ang Diyos ay mabiyaya o mayaman sa kagandahang-loob, tayong mga Cristiano ay maaari ng gumawa ng mga bagay na labag sa kanyang kalooban. Ang ganitong klaseng pamumuhay ay mapangahas na pamumuhay. Maging ang paggawa ng anomang uri ng kasalanan na may kaisipang taglay na ito’y malulukuban naman ng biyaya ng Diyos ay isang uri ng kasalanan ng kapangahasan. At itong kasalanan ng kapangahasan ay isang kalapastanganan sa biyaya ng Diyos sapagkat ito’y isang uri ng kasalanan na nagtatangkang kumapit sa kagandahang-loob ng Diyos. Ngunit hindi maaaring lukuban ng kagandahang-loob ng Diyos ang ganitong uri ng kasalanan sapagkat ito ay taliwas mismo sa diwa ng kagandahang-loob ng Diyos. Hindi maaaring madaya ng sinuman ang Diyos sa kabila na siya ay lubhang mabiyaya at napakabuti.

Ngayon, sa paanong praktikal na paraan nakagagawa ang isang Cristiano ng kasalanan ng kapangahasan? Una, kapag ang isang Cristiano na nasa kalagayang immoral (halimbawa, dalawang Cristianong nagsasama na ngunit hindi pa kasal o isang Cristianong patuloy na gumagawa ng mga gawaing immoral) ay nagsasabi na ang kagandahang-loob ng Diyos naman ay sapat para sa kanya kaya kahit siya ay nasa kalagayang imoral ay maaari pa rin siyang umawit ng mga papuring awit sa loob ng iglesia kada Linggo, ang Cristianong ito ay nilalapastangan ang kagandahang-loob ng Diyos. Paano siya makakaawit ng papuri sa Diyos mula sa kanyang puso kung siya ay mayroong pagsuway na ginagawa sa harap ng Diyos? Ang akala ba niya’y maaari niyang baguhin ang nais at kalooban ng Diyos upang ito’y umayon sa kanyang makamundong pamumuhay dahil lamang mayaman at sagana ang Diyos sa kagandahang-loob? Ang akala ba niya dahil sa ang Diyos ay sagana sa biyaya ay sasabihin ng Diyos sa kanya, “OK, kung hindi mo kayang iwan ang iyong imoral na pamumuhay, ayos lang iyan, maaari ka pa ring tumayo sa aking harapan at umawit ng mga papuring awit.” Maaari bang gawin ng Diyos ang gayon? Siempre, hindi! Hindi maaaring ikompromiso ng Diyos ang kanyang banal na pamantayan kahit gaanong kayaman pa siya sa kagandahang-loob. Yamang ang pagsamba sa Diyos ay pagsamba sa kaningningan ng kanyang kabanalan, papaano makasasamba sa Diyos ng totoo ang isang Cristiano kung siya ay mayroong pamumuhay na immoral? Huwag nawang maging saligan ng sinumang Cristiano ang kagandahang-loob ng Diyos para sa kanyang imoral na pamumuhay. Sapagkat sa oras na kanyang gawin ang ganoon, hindi lamang siya nagkakasala dahil sa kanyang imoral na pamumuhay, kundi siya rin ay nagkasala ng kasalanan ng kapangahasan.

Ganun din naman, kung iniisip ng sinomang Cristiano na maaari siyang gumawa ng isang bagay na hindi kinalulugdan ng Diyos na may pag-iisip na maaari naman niya itong ipahayag sa Diyos pagkatapos at siya ay tiyak na patatawarin naman, ang Cristianong ito ay nagkakasala ng kasalanan ng kapangahasan. Ito ay karumaldumal na pag-iisip sa harap ng banal na Diyos na hindi dapat gawin ni isipin man lamang ng sinomang Cristiano. Bagamat mayroong pangako ang Diyos ng pagpapatawad sa ating mga kasalanan kung ang mga ito’y ating ipapahayag sa kanya, dapat nating maunawaan na tumitingin ang Diyos sa ating mga motibo. Kung makita ng Diyos ang ating mga motibo na may pagnanais na isahan siya (na hindi naman magtatagumpay), tiyak na mayroon itong idudulot na hindi maganda sa ating buhay esprituwal – isang pagdidisiplinang espirituwal marahil. Tiyak na haharapin ng Diyos ang anumang kasalanan ng kapangahasan. Bagamat sa ngayon ay tila ba tahimik ang Diyos at tila ba wala siyang ginagawa ukol dito, subalit tiyak na “ang Diyos ay di madadaya ninuman. Kung ano ang inihasik ng tao, iyon din ang kanyang aanihin” (Galacia 6:7). Sa takdang panahon, tiyak na haharapin ng Diyos ang lahat ng pandaraya na sinubukan ng tao laban sa kanya. Sa katunayan, ang isang Cristiano na mayroong lihim na kasalanan at nagpapatuloy sa ganitong pamumuhay at ang kanyang sinasandigan ay ang kagandahang-loob ng Diyos, siya ay hindi maaaring maging mabisa sa kanyang buhay Cristiano at sa paglilingkod sa Diyos sa anumang uri ng ministeryo. Hindi inaalis ng kagandahang-loob ng Diyos ang ating pagiging walang bisa sa ministeryo bunga ng pagkakaroon ng lihim na kasalanan. Ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi nagiging mabisa ang isang Cristiano sa kanyang pamumuhay espirtuwal at sa kanyang paglilingkod sa Diyos ay ang pagkakaroon ng lihim na kasalanan. Oo, binubura ng kagandhang-loob ng Diyos ang bawat kasalanang taos-pusong inihingi ng tawad sa kanya. Ngunit kadalasan hindi maaaring burahin ng kagandahang-loob ng Diyos ang mga konsikuwensiya ng kasalanan. At ang isa sa mga konsikuwensiya ng kasalanan ay ang pagiging walang bisa ng isang Cristiano sa paglilingkod sa Diyos. Maaarin siyang makagawa ng maraming bagay sa iglesia o saan man, ngunit ang kapangyarihang dapat sana’y taglay niya ay wala. At minsan kung walang espirituwal na pagkilatis ang mga Cristianong nasa kanyang paligid, hindi nila iisipin na wala siyang bisa dahil sa kanyang sariling galing at talino. Subalit ang galing at talinong iyon ay hindi bunga ng kapangyarihan ngEspiritu Santokung kaya’t sa daigdig ng espiritu, walang bisa ang mga iyon sa buhay ng mga taong pinaglilingkuran niya. Bagkus, ito’y maaari pa ngang makasama sa kanila.

Huwag nating lapastanganin ang kagandahang-loob ng Diyos. Bagamat ito’y lubhang sagana at maaari tayong sumalok at humugot kahit gaanong karami at gaanong kalaki, huwag naman natin itong lapastanganin para sa ating sariling kabutihan na rin. Sa katunayan, ano mang paggamit natin sa kagandahang-loob ng Diyos para sa ating makamundong kalayawan ay walang bisa. Hindi tayo maaaring mag-imbak nito upang magamit sa sariling layaw natin. Hindi natin maaaring gamitin ito bilang panangga sa maaaring ibunga ng ating pagsuway sa Diyos. Hindi natin maaaring gamitin ito bilang lisensya sa pamumuhay na taliwa sa kalooban ng Diyos. Dapat nating itanim sa ating isipan na ang kagandahang-loob ng Diyos ay dapat tanggapin ng may pagpapakumbaba, taos-pusong pananampalataya, at pagpapasakop sa kanyang kalooban. Sa ganitong paraan lamang maaaring tamasahin ang kagandahan, ang kasapatan, at kahigitan ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s