Pananampalatayang Wala Sa Hulog

Totoong napakahalaga ng pananampalataya o pananalig sa Diyos. Sinabi sa atin sa Hebreo 11:6, “Ngunit kung walang pananampalataya, walang sinumang tunay na makakapagbigay-lugod sa kaniya. Sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at dapat siyang sumampalatayang siya ang nagbibigay gantimpala sa mga masikap na humahanap sa kaniya.” Ang Diyos ay nalulugod sa simpleng pananampalataya sa kanya. Sa katunayan, niloob ng Diyos na ang pinakamahalagang karanasan sa buhay ng tao ay maganap sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ang aking tinutukoy ay ang karanasan ng kaligtasan o ang karanasan ng kapanganakang muli. Niloob ng Diyos na tayo ay maging mga anak niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo. Sinabi ni Apostol Juan, “Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.” (Juan 1:12,13). Gayung diwa rin ang mababasa natin sa Juan 3:16, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Lalo na sa mga sulat ni Apostol Pablo, ang tunay na pananampalataya ang tanging hingi ng Diyos mula sa mga makasalanan upang sila ay mapawalang-sala at maligtas (Gawa 16:31; Roma 3:21-26; 4:4,5; 5:1; Efeso 2:8,9). Sa pamamagitan lamang ng simple ngunit taos-pusong pananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo (na siya ay namatay sa krus bilang kabayaran ng kasalanan ng sangkatauhan at siya ang buhay na Panginoon ng lahat) ang isang tao ay makararanas ng kapatawaran ng lahat niyang kasalanan at sa gayun ay maliligtas mula sa walang hanggang kamatayan. Dahil dito paglilinis na ito mula sa kasalanan, nagkakaroon ng tunay na pagbabago ang isang tao sa kanyang buhay. Hindi ang pananampalataya ang nagdudulot ng pagbabago sa kanyang buhay kundi ang kaligtasan na kanyang naranasan dulot ng kanyang tunay na pananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo. Walang ibang idinudulot ang pananampalatayang nakapagliligtas (saving faith) kundi kaligtasan, ngunit ang kaligtasan ay maraming ginagawa sa buhay ng tao kasama na ang pagbabago ng ugali, nasahin, at pagbabago ng pamumuhay mismo. Kung walang pagbabago sa buhay ng isang tao sa loob ng mahabang panahon, ang “pananampalataya” ng taong iyon ay wala sa hulog.

Marami ring tao ang nagsasabi na sila ay may “pananampalataya” sa Panginoon, ngunit hindi nila masabi ng tahasan na sila ay ligtas na mula sa walang hanggang kamatayan. Bakit? Sapagkat ang tinutukoy nilang “pananampalataya” ay hindi talaga pananampalataya (kung Biblia ang pag-uusapan) kundi paniniwala lamang sa nakagisnang sistemang pangrelihiyon.  Napakaraming Filipino ang naniniwala sa Diyos. Mahigit sa 90% ng mamayang Filipino ang naniniwala na mayroong Diyos ngunit halos wala pang 10% ang bilang ng mga mayroong tunay na kaugnayan sa Diyos. Dahil dito, masasabi natin na marami ang mayroong “pananampalatayang” wala sa hulog.

Hindi lamang ukol sa kaligtasan nawawala sa hulog ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay nawawala rin sa hulog kung ito ay inaabuso. Mayroong isang kilalang mangangaral mula sa grupo ng mga Pentecostal Onenness sa Filipinas ang tila ba nawala sa hulog ang pananampalataya nang kanyang sabihin sa pamahalaan ng Filipinas na siya ang haharap kay Saddam Hussein noong panahon ng Persian Gulf War noong 1990. Sinabi ng mangangaral na ito na kaya niyang harapin si Saddam Hussein at mapatigil ito sa kanyang mga ginagawa. Sinabi ng mangagaral na ito na kaya niyang gawin ang bagay na iyon sapagkat mayroong siyang pananampalataya sa Diyos. Ngunit, siempre, hindi siya pinahintulutan ng pamahalaang Filipinas. Hindi lamang iyon,  dahil din sa kanyang “pananampalataya,” kanyang pinuntahan ang grupo ng mga Abu Sayaff sa Mindanao noong kaigtingan ng mga kidnapping na isinagawa ng rebeldeng grupong ito. Sa kasamaang palad, ang mangangaral na ito ay naging bihag ng mga Abu Sayaff sa loob ng manahabang panahon na nagdulot sa kanya ng isang malubhang karamdaman. Hindi ko binabanggit ang mga ito upang pulaan o pintasan ang mangangaral na iyon, kundi aking sinasabi ito upang ituwid ang maling paggamit ng pananampalataya na siyang nagiging dahilan kadalasan kung  bakit ang Cristianismo o ang Diyos mismo ay napupulaan ng mga taong walang paniniwala sa kanya at sa Cristianismo.

Ang ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos ay makikita rin sa mga taong sa halip na ipagamot sa doktor o dalhin sa hospital ang kanilang mga mahal sa buhay ay pilit na pinaiiral ang wala sa hulog na pananampalataya. Hindi ko sinasabing hindi na nagpapagaling ang Diyos sa ating panahon. Ako’y naniniwala na ang Diyos ay nagpapagaling pa rin hanggang sa ngayon at ito’y patuloy niyang gagawin hanggang sa ang Panginoong Jesu-Cristo ay magbalik na dito sa lupa. Ngunit hindi kalooban ng Diyos na tayong mga tao ay maging mangmang ukol sa  tuwirang pagpapagaling ng Diyos at ukol sa pagpapagamot sa mga doktor. Mayroong mga pagkakataon, ayon na rin sa sariling kapasyahan at kalooban ng Diyos, na ang isang may karamdaman ay pinapagaling ng Diyos. Subalit dapat ding maunawaan ng mga tao, lalo na ng mga Cristiano, na ibinigay ng Diyos ang mga doktor at hospital para sa atin upang maging kasangkapan niya sa pagpapagaling ng mga taong mayroong sakit at karamdamam. Hindi kailanman ipinagbabawal ng Biblia ang pagtungo sa mga doktor at mga hospital. Ngunit ang pananampalatayang wala sa hulog ay pilit na ipinagbabawal ang pagsangguni sa mga doktor at ang pagpapaospital sapagkat, ayon sa kanila, ang pagpapagamot daw sa mga doktor at ang pagpapaospital ay nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang mali at delikadon paniniwala at ito ang isa sa mga tinatawag kong pananamaplatayang wala sa hulog.

Oo nga’t nais ng Diyos ng isang aktibong pananampalataya, ngunit ayaw ng Diyos ng iresponsableng pagtitiwala sa kanya sapagkat ito ay katumbas na rin ng pananampalatayang wala sa hulog. Ang iresponsableng pagtitiwala sa Diyos ay hindi lamang makikita sa halimbawa ng mangangaral na aking nabanggit at ng mga taong ayaw magtungo sa doktor o hospital. Ang iresponsableng pagtitiwala sa Diyos ay makikita rin sa mga mananampalataya na ang tanging tinitingnan na bunga ng pananampalataya ay kasaganaan, kalusugan, kagalingan, pag-iwas sa mga sakuna at masasamang pangyayari sa buhay. Totoo na kapag ang isang tao ay may pananampalataya sa Diyos, ang paningin ng Diyos ay laging sumasakanya. Ngunit (at ito’y isang malaking NGUNIT), hindi garantiya na ang pananampalataya sa Diyos ay maglalayo sa atin sa anumang kahirapan, sakit o karamdaman, sakuna, at iba pa. Hindi dahil tayo ay may pananampalataya sa Diyos, tayo ay lagi ng wagi ukol sa buhay pisikal. Hindi kailanman ipinangako ng Diyos ang palagiang pagwawagi sa buhay pisikal kapag tayo ay may pananalig sa kanya.

Nakalulungkot kapag nakaririnig ako ng mga mangangaral na nagsasabi ng ganito: “Kaya hindi kayo sumasaganang materyal ay dahil kulang ang inyong pananampalataya sa Diyos” o kaya naman, “Kaya hindi kayo gumagaling sa inyong mga karamdaman ay sapagkat wala kayong pananampalataya sa Panginoon.” At mayroon pang nagsasabi, “Ang isang Cristianong mayroong tunay na pananampalataya ay hindi maaaring mamulubi o maghikahos sa buhay.” Ang ganitong mga pahayag ay iresponsableng mga pahayag. Maaaring may magtanong sa inyo, “Hindi ba totoo na kapag mayroong pananampalataya ay mayroon ding tagumpay sa lahat ng aspeto ng buhay?” Iyan ay isang napakaganda at napakahalagang tanong na may kinalaman sa buhay pananampalataya. Totoo na “true faith is equals to true victory.” Lalo na nga’t sinabi ni apostol Juan, “This is the victory that has overcome the world, even our faith” (1 John 5:4b). Ngunit ang tanong, anong klaseng tagumpay mayroon ang isang tunay na nananalig sa Diyos? Ito ba’y tagumpay sa lahat ng bagay kasama ang pisikal at materyal na bagay? O ito’y isang tagumpay na nararanasan ng ating kaluluwa sa kabila ng pagkatalo ng ating pisikal na katawan?

May mga mangangaral na binabanggit ang Hebreo 11:32-35 upang patunayan na ang pananampalataya ay nagbibigay tagumpay sa lahat ng aspeto ng buhay. Ganito ang sinasabi sa Hebreo 11:32-35a, “32Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33Dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, nagwagi sila laban sa mga kaharian, namuhay sila nang matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34napatay ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa tiyak na kamatayan. Sila’y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya’t natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35aDahil sa pananampalataya sa Diyos, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay matapos ang mga ito’y buhaying muli.”

Ang mga talatang iyan ay walang kaduda-dudang nagpapakita na sa pamamagitan ng pananampalataya ay mayroong tagumpay sa halos lahat ng aspeto ng buhay: nagwagi sa digmaan, namuhay ng matuwid, nagkamit ng ipinangako ng Diyos, nakaligtas sa tiyak na kamatayan, mahina ngunit binigyan ng lakas, at nakaranas ng muling pagkabuhay. Saan ka pa kung ito ang ginagawa ng pananampalataya? Ngunit mayroong nakakaligtaang basahin ang mga bumabanggit ng mga talatang iyan. Nakakaligtaan nilang basahin ang susunod na lupon ng mga talata – Hebreo 11:35b-40: “35bMay mga tumangging sila’y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila’y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ibinilanggong nakakadena. 37Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, at pinatay sa tabak. Ang iba’y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba’y namulubi, inapi, at pinagmalupitan.38Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa. 39At dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Bagama’t sila’y pinarangalan sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi nila natanggap ang ipinangako, 40sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila’y hindi maging ganap malibang kasama tayo.”

Ano ang kanilang tinanggap bunga ng kanilang pananampalataya sa Diyos? Sila’y nabilanggo, namatay sa pahirap (tortured unto death), hinamak, hinagupit, pinagbabato, nilagari sa dalawa, pinatay sa tabak, namulubi (wala halos makain), inapi, pinagmalupitan. At ayon sa talata 39, sa kabila ng kanilang pananampalataya sa Diyos hindi nila tinanggap ang ipinangako ng Diyos! Iyan ay sapagkat mayroong mas dakilang plano ang Diyos.

Iwasan natin na ang tingnan LAMANG ay ang mga magagandang nangyari o nangyayari sa buhay ng ilang tao dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung tayo man ay hindi nakararanas ng gayun, hindi nangangahulugan na tayo ay walang pananampalataya sa Diyos. Hindi dahil hindi gumagaling mula sa isang karamdaman ang isang tao siya ay walang pananampalataya sa Diyos. Bagamat may pangako ng pagpapagaling ang Diyos, ito ay maaaring hindi matanggap ng isang taong may tunay na pananampalataya kung ang Diyos ay mayroong mas dakilang plano sa kanyang buhay sa ganoong kalagayan. Ang isang napakagandang halimbawa niyan ay si Joni Eareckson Tada. Sa kabila ng kanyang pagiging quadriplegic, siya ay ginagamit ng Diyos sa ganitong kalagayan. Ang isa pang halimbawa ay si Nick Vujicic.

Totoong ang pananampalataya ay nagdudulot ng tagumpay. Walang duda yan. Ngunit ang tunay na tagumpay ay tagumpay na panloob at hindi tagumpay na panlabas o pagwawagi sa pisikal o materyal na bagay. Ang mga nakaligtas sa tiyak na kamatayan dahil sa pananampalataya (Hebreo 11:34) at yaong mga namatay sa pahirap (Hebreo 11:35b) dahil sa parehong pananampalataya ay may parehong tagumpay na panloob. Bagamat ang isa ay nakaligtas sa tiyak na kamatayang pisikal dahil sa pananampalataya at ang isa naman ay namatay sa pahirap bunga ng gayun ding pananampalataya, ang dalawang mananampalatayang ito ay may iisang tagumpay, at iyon ay ang tagumpay ng kanilang kaluluwa sa ikalulugod ng Diyos.

Sa panahon natin na maraming boses ang ating naririnig ukol sa pananampalataya, balansehin natin ang ating pananaw ukol dito. Higit sa lahat, sikapin natin na ang ating pagkaunwa ukol sa paggamit sa ating pananampalataya ay nasasalig sa wastong pag-aaral ng Salita ng Diyos upang sa gayon ang ating pananampalataya ay hindi mawala sa hulog.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s