Baradong Buhay Espirituwal

Nais ng Diyos na ang ating buhay espirituwal ay laging maayos at malusog. Sapagkat ang ganitong buhay Cristiano ang dinadaluyan ng mga pagpapala at pagkilos ng Diyos. Sa kabilang dako, ang nais ng Diyablo ay maging magulo at matamlay ang ating buhay espirituwal upang kahit tayo ay mga anak na ng Diyos, siya pa rin ang nabibigyang kaluguran sa ating pamumuhay. Sapagkat totoong hindi nalulugod ang Diyos sa magulo at matamlay na buhay espirituwal (basahin ang Pahayag 2:4 at 3:16). Kapag ang buhay espirituwal ay matamlay, ito ay nagmimistulang baradong buhay espirituwal na hindi makadaloy ang pagpapala at ang pagkilos ng Diyos. Ngunit bakit ba nananamlay ang buhay espirituwal ng isang Cristiano?  Ano ang mga dahilan sa pananamlay? Normal lamang ba na maranasan ang pananamlay sa buhay espirituwal?

(1) Ang isang dahilan ng pananamlay ng buhay espirituwal ay ang kapabayaan sa sariling buhay espirituwal. Ang buhay espirituwal ay isang kaloob mula sa Diyos na dapat nating pangalagaan at panatilihing malusog. Ngunit may mga Cristianong mas alaga pa ng husto ang kanilang aso o pusa kesa sa kanilang buhay espirituwal. Ibig kong sabihin, may mga Cristianong pinag-uukulan ng panahon at salapi ang kanilang mga alagang hayop, ngunit hindi man lamang mapakain ang sariling buhay espirituwal. Maraming Cristiano ang may pang-load sa kanilang mobile phones  ngunit walang pambili ng mga Cristianong babasahin na makatutulong sa kanilang buhay espirituwal. May mga Cristiano rin na madalas sa Jollibee o sa MacDonald’s ngunit hindi makabili ng Biblia sa para sa kanilang sarili.

May mga mananampalataya naman na walang panahon sa pagbabasa at panalangin ngunit napakaraming pahanon sa telebisyon at sa iba pang mga bagay na walang katuturan. Ang iba naman, Facebook ata ang debosyon sa umaga sapagkat nakikita kong madalas na bumabati sila ng “Good Morning” sa Facebook. Ibig sabihin, paggising pa lang sa umaga, Facebook na ang kaharap. At para sa maraming kalalakihan ngayon, ang tila baga higit na pinag-uukulan ng panahon ay ang pagpapalaki ng katawan subalit paliit ng paliit ang espiritu at pababa ng pababa ang buhay espirituwal. Aanhin ng isang tao ang magandang katawan kung ito naman ay mapapamahamak lamang sa impierno? Kung sabagay masarap i-barbecue ang malaman na katawan :-)  At yun nga ang magiging gamit ng isang malaki at matipunong katawan, ang mabarbecue sa impierno, kung ito’y nagpapabaya sa kanyang espiritu o buhay espirituwal. Kung mayroong panahon sa ganitong mga bagay, sana ay mas mayroong panahon sa mga bagay na nauukol sa buhay espirituwal.

Dahil sa ganyang uri ng prioridad sa sarili, ang buhay espirituwal ang nagdurusa kung kaya’t ito ay nananamlay at nagiging barado tuloy para maging daluyan ng pagpapala at pagkilos ng Diyos.

(2) Ang pagiging abala sa maraming bagay ay sanhi din ng pananamlay ng buhay espirituwal. Hindi nais ng Diyos na tayo ay maging abala sa maraming bagay sa punto na nakakaligtaan na nating pangalagaan ang ating kaugnayan sa Diyos. Sinabi ng Panginoon kay Marta,

“Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito’y hindi aalisin sa kanya.” (Lucas 10:41-42)

Ang pinili ni Maria ay ang mag-ukol ng panahon sa presensya ng Panginoon at iyon ang kinalugdan ng Panginoong Jesu-Cristo kaya’t tila ba sinabi ng Panginoon kay Marta na, “Hindi ko maaaring paalisin si Marta sa aking presensya para lamang patulungin sa iyo. Mas mahalaga ang kanyang pinili kaya mananatili siya sa aking paanan.” Ang pagkakaroon ng panahon sa presensya ng Diyos ay kabusugan at kayamanan ng ating kaluluwa at ito’y lubhang kinalulugdan niya. Ngunit ang pagiging abala sa maraming bagay ay tila ba parang isang magnanakaw. Ninanakaw nito ang diwa ng buhay espirituwal at ang kayamanan na dulot ng presensya ng Diyos sa ating buhay. Walang iniwan iyan sa isang talinhaga na ibinigay ng Panginoong Jesu-Cristo. Sinabi biya,

“ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya’y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya’t hindi ito nakapamunga.” (Marcos 4:19)

Ninanakaw ng kaabalahan sa maraming bagay ang sigla sa ating buhay espirituwal kung kaya’t hindi tayo makapamunga sa harap ng Diyos. Sa ganitong kalagayan ang ating buhay espirituwal ay nagiging barado.

(3) Ang kasalanan ang isa pang dahilan kung bakit nananamlay ang ating buhay espirituwal. Peste ang kasalanan sa buhay espirituwal ng isang Cristiano. Sinisira nito ang kaugnayan natin sa Espiritu Santo at winawasak nito ang daluyan ng pagpapala at pagkilos ng Diyos sa ating buhay. Ano mang uri ng kasalanan na hindi natin isinusuko sa Diyos ay magsisilbing parang kalawang  na unti-unting sisira at wawasak sa ating masiglang pamumuhay espirituwal. Ano mang uri ng kasalanan ay ganyan ang epekto sa buhay espirituwal ng isang Cristiano. Narito ang ilang kasalanan na binanggit ng Biblia:

“pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; 20pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa’t isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, 21pagkainggit,a paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21)

Nais kong bigyang diin ang sama ng loob at di pagpapatawad, sapagkat ang dalawang ito ang ilan sa mga kasalanan na masyadong magaan ang ating pagtrato. Namumuhi tayo sa pakikiapid, sa kalaswaan, sa pangkukulam, at sa iba pa. Ngunit tila ba hindi tayo namumuhi sa samaan ng loob at sa di-pagpapatawad. Subalit ang mga ito’y mga kasalanan din na nagpapatamlay sa ating buhay espirituwal at nagdudulot sa atin ng baradong buhay espirituwal. Ang sabi ng Biblia sa Efeso 4:26,27,

“Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo’y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo.”

At sa 2 Corinto 2:10,11,

“Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11upang hindi tayo malinlang ni Satanas at hindi naman lingid sa atin ang gusto niyang mangyari.”

Ang pagtatanim ng sama ng loob at di pagpapatawad ay ang pagsang-ayon sa gustong mangyari ni Satanas, sapagkat ito’y isang tiyak na paraan upang maging matamlay at barado ang ating buhay espirituwal na siyang dahilan kung bakit di makadaloy ang pagpapala at pagkilos ng Diyos sa ating buhay.

Ang pananamlay sa buhay espirituwal ay hindi normal sapagkat ang pananamlay ay nagpapahiwatig na ang sigla na idinudulot ng Espiritu Santo ay wala sa buhay ng isang Cristianong nanamlay ang buhay espirituwal. At hindi ito ang buhay na nais ng Diyos para sa kanya. Kapag mayroong pananamlay sa ating buhay espirituwal, ito’y nagpapahiwatig na mayroong mali sa ating pamumuhay na dapat iayos sa lalong madaling panahon.

Tuwing mayroong banta ng dengue, halos lahat ng Filipino ay hindi nagsasawalang bahala kapag sila ay tinamaan ng lagnat. Hanggat maaari, sa lalong madaling panahon, sila dapat na makapunta sa doktor upang mapasuri ang sanhi ng kanilang pagkalagnat. Sapagkat natatakot silang tamaan ng sakit na dengue na talaga namang nakamamatay. Ganun din dapat ang ating pagkabahala kapag mayroong senyales ng pananamlay sa ating buhay espirituwal. Agad ayusin at gamutin. Huwag patagalin. Huwag hayaan na ito ang maging pangmatagalang kalagayan ng iyong buhay espirituwal, sapagkat ang pananamlay ay mauuwi sa baradong buhay espirituwal na hindi kinalulugdan ng Diyos ni hindi kasiya-siya para sa isang totoong Cristiano.

Mayroon bang pananamlay sa iyong buhay espirituwal ngayon? Huwag hayaan na mauwi ito sa pagiging baradong buhay espirituwal. Ayusin agad ang sanhi ng problema. Ang Diyos ay laging nakabukas ang kanyang mga braso at naghihintay na tayo ay lumapit sa kanya. Sa Hebreo 4:16 ganito ang ating mababasa:

“Kaya’t huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.”

Ang kasiglahan sa buhay espirituwal ay naghihintay sa iyo at ito ay masusumpungan mo sa kalinga at kahabagan ng ating Diyos. Nais ng Diyos na ikaw ay maging daluyan ng kanyang pagpapala, hindi lamang para sa iyong sarili, kundi maging para sa ibang tao. Nais din ng Diyos na siya ay makakilos sa iyo sa mas higit pang paraan kaya nais niya na ang iyong buhay espirituwal ay maayos, malusog, at masigla sa araw-araw at ito ay posible sapagkat nariyan ang Espiritu Santo na siyang tutulong sa iyo upang magkaroon ng ganitong buhay espirituwal – isang buhay na daluyan ng pagpapala at kapangyarihan ng Diyos at hindi baradong buhay espirituwal.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s